MAHIGIT dalawang milyong netizen, na tumugon sa crowdsourcing campaign ng isang airline company, ang pumili sa Mati City, ang kabisera ng Davao Oriental, bilang isa sa mga paboritong dayuhin sa mga susunod na buwan.
Sa unang pagkakataon, tinanong ng kampanya ang mga netizen sa Pilipinas kung aling lugar sa bansa ang nais nilang puntahan, sakay ng eroplano.
Dalawang sumisikat na tourist destination sa Mindanao ang pinili ng mga netizen—ang Mati City at Bislig City, sa Surigao del Sur.
Ang top 10 ay kinumpleto ng Daet sa Camarines Norte, Bantayan Island sa Cebu, San Vicente sa Palawan, Siquijor, Lal-Lo sa Cagayan, Marinduque, Maasin sa Southern Leyte, at Basco sa Batanes.
Layunin ng kampanyang #CEBFlyMeTo na alamin ang nais ng mga biyaherong Pinoy at isulong ang turismo ng kani-kanilang ipinagmamalaking lugar bilang isa sa mga pangunahing destinasyon ng Cebu Pacific.
Napapanahon din ang nasabing kampanya, dahil pursigido ngayon ang pamahalaang panglalawigan ng Davao Oriental na maipaayos kaagad ang paliparan sa Mati City, para higit na makaakit ng mga turista at mamumuhunan sa siyudad at sa mismong lalawigan.
Huling bahagi ng 2017 nang ihayag ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang na natalakay na niya ang nasabing plano kay Pangulong Rodrigo Duterte, na nangako ng suporta sa nasabing hakbangin.
“We are now working on developing and improving our tourism infrastructure from roads, to airports, ports and terminals. Hopefully, we can now revive our airport in Mati City,” sabi ni Dayanghirang.
Isang indikasyon ng nalalapit na pagsasakatuparan sa nasabing plano ang pagbisita kamakailan ng isang grupo mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines para magsagawa ng ocular inspection sa lugar. Ang Mati National Airport, na dating Imelda R. Marcos Airport, ay matatagpuan sa Barangay Dahican sa Mati City.
“We already have an airport but it is not operating because the runway needs expansion and facilities need to be improved. At present, the airport cannot accommodate commercial flights, only chartered and light planes,” anang gobernador.
Sa pagbubukas na muli ng paliparan sa Mati, mabubuksan na ang siyudad sa mga turista at biyahero—at tiyak na babalik-balikan nila ang naggagandahang isla at dalampasigan ng lungsod, na tahanan ng misteryosong Sleeping Dragon. - PNA