PINATUNAYAN ni Rex Luis Krog na nararapat na mapabilang ang cycling sa ‘priority sports’ ng Philippine Sports Commission.
Laban sa mas may karanasang karibal, nasungkit ng 17-anyos na si Krog ang silver medal sa Men’s Junior road race ng Asian Cycling Championships nitong Sabado sa Naypyidaw, Myanmar.
Nailista ni Krog ang tyempong dalawang oras, 32 minuto at 49 segundo at 11 segundo lamang ang layo sa kampeon na na si Taisei Hino ng Japan (2:32:38). May 12 segundo naman ang lamang niya sa bronze medalist na si Wachirawit Saenkhamwong ng Thailand (2:33:01).
Ito ang unang Asian championships medal ng Pilipinas matapos magwagi ng broze medal si Rustom Lim sa road race noong 2011 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nakamit ni Krog ang tagumpay ilang araw matapos ipahayag ni PSC Chairman William Ramirez na kabilang ang cycling sa 10 priority sports na bibigyan nang karagdagang atensyon at tulong pinansiyal para maihanda sa international meet, kabilang ang 2020 Tokyo Olympics.
Sumabak si Krog laban sa 43 karibal mula sa rehiyon at sa tulong ni coach Ednalyn Calitis Hualda, nagawang makasabay ng Pinoy rider na hindi kailangang ibuhos ang lakas.
Isang natural na climber si Krog, pambato ng Nueva Ecija at kasalukuyang naninirahan sa Caloocan, kung kaya’t pinaalalahanan siya ni Hualda na gumamit ng heavier gear— isang istratehiya na epektibong nagamit ngi Krog para pawiin ang pitong taong pagkauwahaw sa medalya ng PhilCycling na pinamumunuan ni Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
“The instruction was for Luis [Krog] to shift to a higher gear, a strategy we mapped on the eve of the race,” pahayag ni Hualda. “And the second was for him to stay with the pack and make a final push in the last five kilometers.”
Sinunod lahat ni Krog ang habilin ng coach at nagawang makasabay sa three-man breakaway group sa huling limang kilometro ng karera at makasampa sa podium sa torneo para sa mga siklistang may edad 17 at 18 anyos.
“Sinunod ko lang ho ang game plan,” sambit ni Krog, isa sa dalawang batang rider sa kampo ng Team Go For Gold. “Sumabay ako sa grupo at medyo nagkaroon din ako ng duda na ma-sustain ko ang laro ko. Pero sa huli, binuhos ko na lahat.”