SA pagdinig nitong Martes, nagkakaisang bumoto ang Korte Suprema upang ibasura ang petisyong inihain noong nakaraang buwan na humiling ditong pagpasyahan kung dapat bang magkasama o magkahiwalay na bumoto ang Senado at Kamara de Representantes sa pagdaraos ng mga ito ng Constituent Assembly.
Sinabi ng Korte Suprema na wala itong orihinal na hurisdiksiyon sa petisyon para sa declaratory relief. Ang kaso ay dapat na idinulog mula sa Regional Trial Court (RTC), anito. Maaaring busisiin ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC sakaling idulog ito sa kataas-taasang hukuman. Binanggit din ng Korte Suprema na hindi ito nagbibigay ng payo o opinyon. Ang tungkulin nito ay mamagitan sa mga aktuwal na kontrobersiya.
Binigyang-diin ng desisyon ng Korte Suprema ang pangangailangang sumunod sa proseso, alinsunod sa Rule 63 ng Rules of Court. Dahil dito, maaaring muling ihain ang petisyon sa RTC na hihimay sa kaso, at siyang magdedeklara, batay sa isinasaad ng Konstitusyon, na dapat itong iakyat sa Korte Suprema.
Kapag nasunod ang tamang proseso, tsaka pa lamang tatalakayin ng Korte Suprema ang kaso. Tatangkain nitong himayin ang isang usaping labis ang anggulong pulitikal. Iginiit ng Kamara na dahil walang anumang malinaw na probisyong kontra, dapat na magkasamang bumoto ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa Constituent Assembly. Sa kabilang banda, iginiit naman ng Senado na sa lahat ng pagkakataong kinailangang aksiyunan ng Kongreso — gaya ng pagpapatibay ng mga bata, pagdedeklara ng giyera, o pagpapatalsik sa puwesto sa isang opisyal ng pamahalaan — magkahiwalay na bumuboto ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Habang hindi pa nareresolba ang usapin — na marahil ay matatagalan pa — ipagpapatuloy ng Kongreso ang planong magsama-sama sa Constituent Assembly upang amyendahan ang Konstitusyon. Ipinaaapura ito ni Pangulong Duterte na nagbabala na sakaling hindi mailusot ang federalism sa bagong Konstitusyon, posibleng maglunsad ng digmaan ang mga Moro.
Mungkahi naman ng ilan, mas mainam kung magsasama-sama ang mga kasapi ng Kongreso — ang mga senador at kongresista — at bumuo ng kasunduan kung alin-alin ang babaguhin sa Konstitusyon. Kapag nangyari ito, hindi na kakailanganin pang pagdebatehan ang gagawing pagboto sa Constituent Assembly — kung magkasama ba o magkahiwalay ang dalawang kapulungan.
Sa bagong Konstitusyon, ang probisyong ito ay dapat na maging malinaw upang sa hinaharap ay hindi na magkaproblema pa sa isyu, na kahit ang Korte Suprema ay mahihirapang pagpasyahan — dahil lamang hindi ito natutukan sa mga huling araw ng pagbuo ng Constitutional Commission sa umiiral ngayong Konstitusyon.