Tanging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang awtorisadong bumili ng high-powered guns o matataas at de-kalibreng armas sa bansa.
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte bilang bahagi ng mas istriktong gun control measure.
Ipinagbawal ng Pangulo sa alinmang gun store na magbenta ng high-powered firearms maging sa mga opisyal ng gobyerno, at sinabing ang ganitong mga armas ay marapat na maibalik sa national police headquarters.
“I am ordering also the police to control the sale of—all gun stores are no longer allowed to sell high-powered guns, even to governors and mayors. Only the military and police can buy,” pahayag ni Duterte sa Davao City nitong Biyernes.
“And they should be taken off their shelf and returned to (Camp) Crame and that must be reflected there kung sinong nagbili, sinong tao, anong ranggo, saang unit,” dagdag pa niya.
Nais ng Presidente na higpitan ang pagbili ng baril sa bansa upang mapigilan itong mapasakamay ng mga kalaban.
Binalaan din ni Duterte ang puwersa ng pamahalaan laban sa pagbebenta ng kanilang armas sa mga kalaban.
“If you are a soldier, you buy bullets there and somehow it reaches into the hands of the enemies of the state, be careful,” anang Pangulo. “I will be unforgiving. You will not only be discharged, I will insist that you will be in jail.” - Genalyn D. Kabiling