ni Ric Valmonte
NASA kontrol na ng China ang pitong batuhang-babaw (reef) sa Spratly Island na inaangkin ng ating bansa at ginawa na nitong pansamantalang isla. Dito niya itinayo at binuo ang military facilities na gagawin niyang base militar. Nandito na ang mga nakikitang ito nang umupo si Pangulong Duterte, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kung matatawag na militarization ang ginawa ng China, militarized na ito, aniya, hindi lang sa panahon ng kasalukuyang administrasyon. Pero, nangako raw ang China sa Pangulo na hindi na magtatayo ng pansamantalang isla partikular sa Panatag Shoal na mayaman sa lamang dagat. Pero, kailangan repasuhin ang “gentleman’s agreement” ng ating bansa sa China, giit ni Sen. Sherwin Gatchalian, sa gitna ng mga bagong pangyayari sa South China Sea. Isa si Gatchalian sa mga opisyal ng gobyerno na hinihikayat ang administrasyon na masidhing idepensa ang Philippine Rise laban sa pakikialam ng mga dayuhan. Kaya, ganoon na lamang ang pagnanais niyang maukilkil ang “gentleman’s agreeement” na ilang beses nang binabanggit ng Pangulo. “Kung ano ang kasunduang ito ay kailangan alamin kung kasama na rin dito ang patuloy na militarization ng Spratly Island”, wika ni Gatchalian.
Tama si Gatchalian. Paano kasi, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, wala raw magagawa ang ating bansa sa ginagawa ng China. “Hindi tayo pwedeng magdeklara ng digmaan. Ilegal at imposible ito sa panahong ito, sabi niya. Dahil wala tayong magagawa, nakipagkasundo na tayo sa China. Kinaibigan na natin ito kahit isinasakripisyo na natin ang karapatan natin sa West Philippine Sea na kinumpirma na nga ng Arbitral Tribunal. May kaugnayan ba ito sa S 1.7 billion na ipinangako ng China sa administrasyon noong isang taon na ipauutang dito?
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, nararapat na ipagpatuloy ni Gatchalian ang naumpisahan na niyang imbestigasyon sa S 1.7 billion na pautang ng China sa administrasyong Duterte. Dapat malaman din kung anong uring pautang ito at kung ano ang kapalit nito. Sa ikabubuti ba ng mamamayang Pilipino ang utang o uutangin pa ng gobyerno sa China na ang kapalit ay ang kapangyarihan at karapatan natin sa West Philippine Sea? Malaki ang lugi natin dito, kung si Joma Sison ang tatanungin mo. Kasi, sabi ni Sison, Communist Party of the Philippines founder, “ang karapatan at kapangyarihan natin sa lugar at trilyong dulyar na halaga ng likas yamang matatagpuan dito ay ipinagpalit sa commercial loan sa mataas na commercial rate na 6 hanggang 7 porsyento para sa overpriced infrastructure project. Hindi bale,” sabi ni Roque. “Kapag humina ang China, darating ang panahon isasauli ito sa atin”. Noong iparenta natin sa British ang Borneo, isinauli ba sa atin ito? Noong humina na ang Great Britain at iniwan ang Borneo sa Malaysia, inangkin na ito ng Malaysia. Hanggang ngayon ipinaglalaban pa natin ang ating karapatang maibalik ito sa atin.