ni Clemen Bautista
TINATAWAG ang malamig na Pebrero na Buwan ng Pag-ibig at Sining sapagkat sa tuwing sasapit ang ika-14 ng Pebrero ay ipinagdiriwang ng mga romantiko, magkasintahan, mga umiibig at nagmamahal at maging ng mga magkalaguyo ang “Valentine’s Day” o Araw ng mga Puso.
Ang pagdiriwang naman ng Buwan ng Sining ay pinangungnahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). May mga inilunsad na programang may kaugnayan sa sining at kultura. Sa Region IV-A, ang Angono, Rizal, na Art Capital ng Pilipinas napili ng NCCA na pagdausan ng National Arts month. Ang pagdiriwang ay ginanap nitong Pebrero 9, 2018 sa harap ng munisipyo. Kalahok sa pagdiriwang ang mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Angono. Sa gabi ay nagtanghal naman ang mga taga-University of the Philippines, College of Music. Tinawag na “Lahing Kayumanggi” ang pagtatanghal na ginanap sa simbahan ng Saint Clement parish. Itinampok ang piano works at art songs ng mga Pilipinong kompositor tulad ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro, Propesor Felipe Padilla de Leon, Antonio Molina, Rodolfo Cornejo Priscilla Magdamo at Rosendo Santos. Ang “Lahing Kayumannggi” ay handog sa kaarawan ni Maestro Lucio D. San Pedro.
Sa paniwala ng mga nagmamahal at marami nating kababayan, ang Araw ng mga Puso ay isang araw o panahon ng muling pagpapatibay ng pagmamahal. Isang paraan ng pagpapahayag ng ating damdamin. At tulad ng nakaugalian at tradisyon, ang Araw ng mga Puso ay panahon na naman ng pagpapadala ng mga pula at puting rosas. Nakabilanggo sa makipot na kulay puti o asul na plastik na may polka dot na mga puso. Natatalian ng pulang laso at palalayain naman ng malalambot at mapuputing kamay na tatanggap.
May magpapadala rin ng tsokolate, Valentine’s card, text message sa cellphone na ang mensahe ay naglalaman ng mga salitang puno ng pag-ibig at pagmamahal. May matapat na inuulit ang kanilang hindi naglalahong sumpa ng pag-ibig. May iba’t ibang reaksiyon ang mga nakatatanggap. Nangingiti nang lihim. May napapailing at may look na lang sa sky. Ang iba’y inuulit ang pagsasabi ng “I love you” o Mahal Kita lalo na ang mga nasa ibang bansa. May kakain sa labas (hindi labas ng bahay), kundi sa isang kilalang food chain o reataurant. Doon ang kanilang Valentine’s date. May manonood naman ng sine.
Ang iba namn na “lasing” sa pag-ibig ay maghahanap ng santuwaryo tulad ng mga hotel o motel na karaniwa’y puno kung Araw ng mga Puso. Doon magdadaop-puson at ipadadama sa minamahal ang habol-hiningang pag-ibig. Legal man ito o nakaw at bawal na pag-ibig. Kung Valentine’s Day, pila ang mga magkasintahan o magkalaguyo. Ngunit makalipas ang siyam na buwan, asahan na ang pipilahan naman ng mga lumobo ang tiyan ay mga lying in at ospital upang isilang ang bunga ng pagmamahalan na dagdag sa populasyon ng ating bansa.
Ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, ayon sa kasaysayan ay walang kaugnayan sa naging buhay at kabanalan ng isang nagngangalang Saint Valentine. Ang martir ng Simbahan na si Saint Valentine ay binitay noong Pebrero 14,269 A.D. At upang bigyan ng karangalan ang kabanalan, nagpalabas ng isang decree si Pope Gelasisus na ang Pebrero 14ay Saint Valentine’s Day.
May nagsasabi naman na ang pinagbatayan ng Valentine’s Day ay ang “Lupercalia”. Ito’y kapistahan ng mga pagan lover kapag sumasapit ang buwan ng Pebrero. Panahon ito ng pagpili ng kanilang partner o kapareha sa pagdiriwang ng “Lupercalia”. At palibhasa’y pagano ang diwa, mabubuhay sa isip na ang magkapareha ay malaya sa pagpapadama ng kanilang pag-ibig. Isang uri ng pag-ibig ngayon na palihim na ginagawa ng mga magkasintahan o ng magkalaguyo sa loob ng mga motel at hotel.
Sa ngayon, tuwing sasapit ang ika-14 ng Pebrero ito ipinagdiriwang. Hindi na pinapansin ng mga tao kung ano man ang pinagmulan at batayan ng “Valentine’s Day” at kahit na ito’y pinagkakakitaan ng salapi ng mga negosyante ng tsokolate at bulaklak.
Araw ng pag-ibig at panahon ng pagmamahalan ang ika-14 ng Pebrero. Isang bagay na totoo sapagkat makulay na bagay ang pag-ibig. At sa doktrina ng Kristiyanismo, sinasabi rin ang pag-ibig ay Diyos at ang Diyos ay Pag-ibig. At dahil sa pag-ibig natubos sa pagkakasala ang sangkatauhan. At dahil din sa pag-ibig, lahat ay binabata, inaasahan at tinitiis. At kailanman, ang pag-ibig ay hindi nagkukulang. Kumakalinga at nagpapatawad.