Ni REGGEE BONOAN
NAGKASAMA-SAMA sa celebrity screening ng Meet Me in St. Gallen ang mga artista ng ABS-CBN at GMA-7, patunay lang na hindi umiiral ang network war sa ganitong mga pagkakataon lalo’t kaibigan nila ang mga producer ng Spring Films at Viva Films.
Literal na celebrity screening talaga ang nangyari dahil halos lahat ng mga sikat na artista sa industriya ay dumalo sa pangunguna nina Piolo Pascual, Robin Padilla, Iñigo Pascual, Kylie Padilla, Xian Lim, Angelica Panganiban, PJ Endrinal, Dingdong Avanzado, Jessa Zaragosa at anak, Richard Poon at Maricar Reyes-Poon, Ryza Cenon with boyfriend Cholo Barretto, Gladys Reyes at Christopher Roxas, Mark Oblea, Julian Trono, Jack Reid, Juancho Trivino, Sheena Halili, Andrew Muhlach, Vito Marquez, Daniel Huscha, Maine Mendoza, Alex Diaz, Alex Medina, Gil Cuerva, Boy 2 Quizon, Nicco Manalo, Bench Manalo, Kat Galang, Moira, Empoy, JC Santos, at iba pa.
Unang pagkakataon sa kinoberan naming screening na nakita naming dumalo ang mga kilalang direktor tulad nina Paul Soriano, Dan Villegas, Antoinette Jadaone, Emman de la Cruz at maraming indie directors na hindi namin tanda ang pangalan pero kilala namin sa mukha.
Nakakatuwa na habang papalabas kami ng Trinoma Cinema 7 ay nakita namin sa hallway na nag-usap-usap tungkol sa Meet Me in St. Gallen ang mga direktor kasama ang kani-kanilang mga kaibigan. May kanya-kanya silang komento na hindi na namin natutukan dahil may hinahabol kami para interbyuhin.
Si Direk Paul na maski na tumabi na kami ay lumapit pa at kumamay, “Bakit ang tahimik mo, at nasa side ka pa?” sabi sa amin.
Nakakatuwa talaga ang mister ni Toni Gonzaga na kahit saan kami makita ay bumabati at nangungumusta. Napaka-humble, kaya nasa kanya talaga ang respeto natin, di ba, Bossing DMB?
(Yup! Ang tunay na mahusay, kampante sa sarili at mapagpakumbaba. –DMB)
Muntik naman kaming mahawi ng mga umaalalay kay Maine Mendoza habang kausap namin ang Dreamscape Entertainment big boss na si Deo Endrinal.
Kahit wala si Alden Richards sa tabi ay sikat talaga ang isa sa money-makers ng GMA 7. At take note, napakasimple ng suot ng dalaga.
Bukod kay Direk Irene Villamor na direktor ng Meet Me in St. Gallen at naging direktor din ni Maine sa serye niya sa GMA-7, tiyak na inimbita rin siya ni Direk Joyce Bernal sa premiere night dahil pareho silang taga-Siyete. Naisipan din kaya ng Spring Films producer na isama si Yaya Dub sa isa sa mga project nila? Hmmm, bagay siya sa Marawi movie bilang isa sa main cast.
‘Yan ang aabangan…