Ni Leonel M. Abasola
Itinakda na ng Senado ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa ugat ng kakulangan ng supply ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa merkado.
Sinabi ni Senator Grace Poe na magkakaalaman na kung sino ang nagsasabi ng totoo dahil ipatatawag nila sa imbestigasyon ang mga opisyal ng NFA at Department of Agriculture (DA).
Matutuklasan din, aniya, sa Senate investigation ang mga sindikatong nagmamanipula sa supply ng bigas sa bansa.
Ito na lamang, aniya, ang tanging paraan upang matukoy kung ano ang nangyari sa rice importation program ng pamahalaan.
“Palagi na lang nangyayari ang rice shortage. Bakit umaabot sa ganito? Mayroon bang mga sindikato sa loob na nagpipigil ng tamang datos na ilabas?” tanong ni Poe.
Isa aniyang krimen ang pagpigil sa malayang bentahan o pagtatakda ng tamang halaga ng bigas na pangunahing pangangailangan ng bansa.
Inihayag naman ni Senador Francis Pangilinan ang kanyang pagsuporta sa balak na Senate inquiry sa rice shortage.
“So we would like to encourage this para malaman natin: Number one, do we really have to import; and number two, ano ‘yung sufficiency level; and number three, ang paliwanag sa atin is there is enough commercial rice but of course we would like to make sure that the inexpensive, affordable NFA rice is also present,” pagdidiin pa ni Pangilinan.