Ni Ellalyn de Vera-Ruiz at Orly L. Barcala
Nananamlay ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito ang pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kasunod na rin ng mababang antas ng pagbuga nito ng sulfur dioxide.
Gayunman, binalaan pa rin ng Phivolcs ang publiko dahil ipinaiiral pa rin ang level 4 alert status ng bulkan.
“Sulfur dioxide emission tends to increase through time as magma degasses with increasing rates as it moves up from great depths beneath the volcano,” babala ng Phivolcs.
Sa kanilang 24-hour monitoring, inilahad ng Phivolcs na umabot lamang sa 336 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission ng bulkan simula nitong Pebrero 9, mas mababa kumpara sa 2,525 tons per day noong Pebrero 7.
“Mayon Volcano’s activity in the past 24 hours was characterized by near continuous lava fountaining, lava flow and degassing from the summit. Sixty-six successive lava fountaining episodes have been recorded since Friday,” ayon pa sa ahensya.
Samantala, inilabas na ng Caloocan City government ang P2 milyon ayuda sa mga apektado ng pag-aalburoto ng bulkan.
Ayon kay Caloocan 1st District Councilor Aurora Henson, pirmado ng lahat ng konsehal ng lungsod ang resolusyong naglalayong maglaan ng P2 milyon para sa mga bayan ng Malilipot at Tabaco sa Albay.
Ang magkahiwalay, aniya, na tseke na tig-P1 milyon ay inilabas na nitong Biyernes at ipadadala na sa lalawigan.
Matatandaang ‘inampon’ ng pamahalaang lungsod ang Malilipot at Tabaco na parehong apektado sa pagsabog ng Mayon.