Ni Ric Valmonte

NAGBITIW na sa puwesto si Neil Anthony Estrella bilang director ng Bureau of Customs (BoC) Intelligence and Investigation Service, matapos masangkot sa P6.4-bilyon shabu at isyung panunuhol sa loob ng kawanihan. Siya ang ikalawang opisyal na nagbitiw sa tungkulin kasunod ng pagre-resign ni Import Assessment Services Director Milo Maestrecampo. Sina Estrella at Maestrecampo ang tinukoy ni Customs broker Mark Taguba na mga opisyal ng BoC na tumanggap ng suhol sa kanya kapalit ng mas mabilis na shipment.

Ngunit, marami nang senador ang higit na intresado sa pagbibitiw ni BoC Commissioner Nicanor Faeldon dahil nga sa napakalaking kargamento ng shabu na nakalusot sa kanyang ahensiya at nasamsam sa isang warehouse sa Valenzuela City.

“Ang panawagan ng mga ito,” sabi ni Sen. Francis Pangilinan, “ay sapat nang batayan para sa Malacañang na tanggalin na si Commissioner.” Kinuwestiyon naman ni Sen. Ping Lacson ang pananahimik ni Pangulong Digong sa nangyari sa BoC.

Naitanong niya sa kanyang Twitter account: “Hindi ka ba galit sa BoC, Mr. President?” Sa tuwing may pagkakataon kasing makapagsalita ang Pangulo, hindi siya nag-aatubiling sabihin na galit siya sa droga. Pinagbabantaan pa nga niyang papatayin ang mga sangkot dito dahil sinisira ang mga kabataan at ang kanyang bayan. Sa gitna nito, napakarami nang napatay ng kanyang kampanya laban sa droga.

Ang problema rito sa BoC, kurapsiyon ang nagkakalat ng droga sa bansa. Dahil sa kurapsiyon, nakapasok ang pinakamalaking bulto ng shabu sa bansa mula sa China sa pagdaan sa green at express lane ng BoC. Ang nasamsam na shabu sa Valenzuela City ay isiniksik sa metal cylinders. Sa metal cylinders din nahanap ang pake-paketeng shabu sa inabandonang townhouse sa Sampaloc, Maynila. Inaalam ngayon ng NBI kung ito at ang nakuha sa Valenzuela City ay magkasama sa P6.4 bilyong shabu shipment na nakalusot sa BoC. Pero, magkasama man o hindi, ang isyu ngayon ay bakit malakas pa ang loob ng mga drug lord na gamitin ang pasilidad ng gobyerno para sa kanilang drug trafficking?

Sina Maestrecampo at Estrella ay naghain na ng kani-kanilang resignation, ngunit hindi irrevocable. Ang irrevocable resignation ay walang kondisyon. Tanggapin man ito o hindi ng naghirang sa kawani, epektibo kaagad ito sa araw na itinakda niyang magbibitiw siya. Nag-resign nga sina Maestrecampo at Estrella ngunit ipinaubaya nila kay Pangulong Digong kung tatanggapin nito ang kanilang pagbibitiw. Nasa Pangulo na kung mananatili pa sila sa puwesto. Kaya, pakitang-tao lamang ang kanilang pagbibitiw dahil kung maaari ay ayaw nilang umalis sa posisyon. Samantala, kapit-tuko naman si Faeldon sa puwesto. Kung hanggang kailan mananahimik ang Pangulo sa magiging kapalaran ng tatlong ito, nasa kanya na ito. Pero nasa kanya rin kung ikokompormiso niya ang katapatan ng kanyang kampanya laban sa kurapsiyon at ilegal na droga. Hindi magandang ikatwiran ang presumption of innocence at due process ng tatlo, lalo na si Faeldon, dahil kinamumuhian niyang marinig ang mga ito sa mga taong umano’y sangkot sa droga.