Ni Bert de Guzman
NOONG isang linggo, inulit ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na handa siyang magbitiw kapag ang sino man sa anak niya ay sangkot sa katiwalian. Ang pahayag ay ginawa ni Mano Digong kasunod ng pagkakadawit sa pangalan ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa smuggling sa Bureau of Customs (BoC).
Sa pagdinig sa Kamara, isang broker ang nagbunyag na si VM Duterte ay ni-name-drop ng ilang tao na sangkot sa panunuhol sa BoC. Ayon kay importer Mark Taguba, isang “Tita Nanie” na binibigyan niya ng P10,000 suhol kada container, ang nagsabi sa kanya na ang pera ay mapupunta sa isang “Davao group” na pinamumunuan ni Paolo.
Inamin niya na posibleng ginagamit ang pangalan ni VM Duterte upang mapabilis ang pagpasok ng smuggled drugs sa Customs. Gayunman, sinasabing ang testimonya ni Taguba ay tsismis (hearsay) lamang. Itinanggi ito ni Paolo at sinabing pawang kasinungalingan ang alegasyon laban sa kanya. Sabi nga ni PDu30: “Just a whiff of scandal” o “Kahit sa munting higing ng kurapsiyon” sisibakin niya ang sino mang hepe ng departamento at ahensiya ng gobyerno.
Magkakaloob si Pres. Rody ng tig-P2 milyong pabuya para sa ikadarakip o pagkakapatay laban sa mga pulis na inatasan ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na pumatay sa mga sibilyan at sundalo. Ayon sa kanya, ang mga Parojinog na inakusahan niyang kasabwat ng drug syndicates, ay ginamit ang mga pulis laban sa mga tao na kontra sa kanila, pinapatay upang sila ay manatili sa puwesto. Samantala, nag-alok naman si AFP chief of staff Eduardo Ano ng P100,000 para sa ikadarakip o pagpatay sa bawat NPA rebel at terrorist militant.
Tungkol sa bagong banta ng international terrorist network ISIS sa bansa at sa ibang parte ng Mindanao, hiniling ni Manila Rep. Manuel “Manny” Lopez (Ist District) kay pangulong Rodrigo Duterte na i-certify bilang urgent ang HB 5382 o Terrorism Threat Deterrence Act of 2017 na kanyang inakda.
“Sa paniniwala ko po malaki ang maitutulong ng pagpasa ng panukala bilang batas para mahadlangan ang paggamit ng internet o social media at prepaid mobilephone ng mga terorista para sa kanilang komunikasyon, propaganda at psy-war operation laban sa tropa ng pamahalaan na ginawa nila sa Marawi”, ayon kay Lopez.
Una rito, ipinaalam ni Duterte sa ilang senador ang bago at seryosong banta ng terorismo sa Mindanao.Kailangan ng military ang 20 libong bagong sundalo para palakasin ang puwersa kontra terorismo.
Hiniling ni Lopez, vice chairman ng House committee on public order and safety, kay Speaker Alvarez na ikonsidera ang approval ng hakbangin sa Kamara kasunod ng bagong mga banta ng terorismo, lalo na ang HB 5382, tungkol sa rehistrasyon ng prepaid mobile phones na ginagamit upang matukoy ang mga user na gagamit sa illegal na gawain at terorismo.
Samantala, nasiyahan si Manila Rep. Carlo Lopez (2nd Dist.) sa paglagda ni Duterte bilang batas sa libreng matrikula o Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa State Universities and Colleges (SUCs).
Para kay Lopez, dapat tanghaling “AMA ng Free Tertiary Education Act” ang Pangulo dahil sa kabayanihan at tamang pagpapasya sa kapakanan ng mga kabataan. “Ito ay tagumpay hindi lang ng mga kabataan sa kasalukuyan kundi sa kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga kabataan ng bansa.
Sa kabila ng pagtutol ng economic managers, ayon kay Lopez, vice chairperson ng House committee on housing, nilagdaan pa rin ito ng Pangulo, pagpapakita na siya’y tapat na lingkod ng bayan na ang puso ay nasa mahihirap na mag-aaral at magulang.