Ni Clemen Bautista
ANG Avian Flu ay nakakamatay na sakit ng mga manok, itik at pugo na inaalagaan sa poultry farm. Nagdudulot ito ng malaking kalugihan sa mga poultry owner. Kahit malulusog ang manok at itik at nangingitlog, kapag dinapuan ng nasabing sakit ay hindi nakaliligtas sa pagkamatay. Nabibigla na lamang ang mga nag-aalaga ng mga manok at itik kapag nakita nilang patay ang kanilang alaga. Ang mga nag-aalaga naman ng itik, sa pagbubukas ng kamalig, makikita na lamang nilang nakatungo, nakatihaya at patay na ang kanilang alaga.
Hindi lamang sa Pilipinas nagkakaroon ng Avian Flu na pumepeste sa mga inaalagaang manok at itik. Sa China, ilan taon lamang ang nakalilipas ay anim na milyong manok ang namatay. Ito ay naging sanhi ng pagpapasara ng 108 live poultry market sa Beijing. Sa Liaoning, probinsiya sa silangan ng Beijing, anim na milyong poultry din ang isinara sapagkat umabot sa 8,940 manok ang napeste.
Ibinalita sa telebisyon, isinahimpapawid sa radyo at inilathala sa pahayagan ang outbreak o pagkakaroon ng Avian Flu sa Pampanga, partikular sa Bgy. San Agustin, San Luis, Pampanga. Ito ay kinumpirma ng Departmet of Agriculture. Dahil sa Avian Flu, umabot sa 40,000 itik at pugo ang pinatay sa mga poultry farm sa nasabing bayan sa Pampanga nang malaman na mabilis itong makahawa at kumalat.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ang pagkakaroon ng nasabing sakit, na unang beses nangyari sa bansa, ay nadiskubre sa isang poultry farm sa Bgy. San Agustin, San Luis, Pampanga. Batay sa mga ulat, sinabi ni Secretary Piñol na ang unang outbreak ng subtype H5 virus ay nagsimula sa isang farm ng mga pugo. Umabot sa 50 hanggang 70 itik ang namatay at halos napeste ang lahat ng pugo. Mabilis na kumalat ang sakit sa mga poultry farm at tinatayang nasa 70,000 manok ang namatay dahil sa Avian Flu.
Nabatid pa sa report na noong Abril at Mayo, napansin ang pagkakaroon ng Avian Flu ngunit hindi agad ini-report ng mga may-ari ng commercial poultry. Lumala ang sakit ng mga manok noong Hulyo. Upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa Pampanga, ipinag-utos ni Secretary Piñol na patayin ang 40,000 pang manok sa bayan ng San Luis. Katumbas ito ng P28 milyon. Iniutos din ni Secretary Piñol ang agarang pagpapakalat ng mga quarantine officer at tiniyak ang pagpapapatay sa mas marami pang manok, kabilang ang mga imported, sa nasabing lalawigan upang maprotektahan ang poultry industry.
Ang pinagmulan ng virus ay hindi pa batid ni Secretary Piñol bagamat inihayag niya na posibleng nagmula ang Avian Flu sa mga migratory bird at sa mga naipusit na Peking duck mula sa China. Ipinagbawal din ng Department of Agriculture ang pagluluwas ng mga manok at itik mula sa Luzon patungo sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa mga taga-Rizal, lalo na sa mga nag-aalaga ng mga itik at manok at mga may poultry farm, ay hindi na bago ang Avian Flu. Marami na silang naging karanasan sa Avian Flu. Alam nila kung anong panahon sumasapit ang nasabing sakit ng mga manok at itik at kanilang napaghahandaan. Ayon sa mga nag-aalaga ng mga itik at sa karanasan ng inyong lingkod na nag-alaga rin ng mga itik, ang Avian Flu ay nagsisimula tuwing Oktubre na simula ng taglamig. Sa panahong ito dumarating ang mga migratory bird, tulad ng langkay-langkay na mga pato (wild duck). Sa Laguna de Bay bumababa, naglalanguyan at nanginginain ng water lily, sintas at digman.
Ang mga pato, kung minsan, ay sumasama o humahalo sa mga itik na inaalagaan sa tabi ng lawa. Ang ibang mga itik na inaalagaan ay nasa TABAW (kamalig na may bubong) o nakapatong sa mga pinagdikit-dikit na kawayan na tinalian ng lubid. Tuwing umaga at hapon pinakakain ang mga itik. Sa Laguna de Bay naliligo, lumalangoy, nagpapalian, naghahabulan at naninisid ng suso sa ilalim ng tubig.
Ang pagtama ng Avian Flu sa mga itik sa Rizal ay napapansin kapag namimilay ang paglakad ng mga itik. Nilalagyan ng mga dahon ng Lagundi ang kanilang mga inumin at may nakaliligtas sa Avian Flu. Pinapahiran naman ng gaas ang paa ng mga hindi makatayo at tuluyang nakatatayo at nakalalakad ang mga ito.
Dahil sa Avian Flu, kung minsan, ang ibang taga-Rizal ay ayaw nang mag-alaga ng mga itik at manok.