ISANG natatanging kuwento ng pag-ibig ang bibigyang-buhay ni Sunshine Dizon sa Valentine’s Day special ng Wagas ngayong gabi.
Isang babaeng may malaking bukol sa mukha ang gagampanan ni Sunshine. Kasama ang kasabayan niya noon na si Biboy Ramirez, isasabuhay nila ang kuwento ng wagas na pag-ibig nina Editha at Aurelio Dadores.
Nagkaroon ng isang kundisyon sa ilong si Editha. Lumala ito, dahilan para tubuan ng malaking bukol ang kanyang mukha.
Isang uri ito ng facial tumor ayon sa mga eksperto. Pero sa kabila nito, lalo pang minahal ni Aurelio si Editha.
Isa na ito sa hindi malilimutang roles ni Sunshine bukod sa pagiging Emma ng Ika-6 Na Utos na #1 afternoon drama pa rin ng Kapuso Network.
Humanga si Sunshine sa matatag na pagsasama ng mag-asawa sa kabila ng mga pagsubok sa kanila. Hindi matatawaran ang sakripisyong ginawa nila para maitaguyod ang kanilang pamilya kahit pa may ganito silang problema. Tiyak na kapupulutan ng aral ang kuwento nina Editha at Aurelio ng lahat na mag-asawa o may kasintahan.
Huwag palampasin ang “Mukha ng Pag-Ibig” sa Wagas, ngayong Sabado 7 PM sa GMA News TV.