Ni Clemen Bautista
MAY paniwala ang marami, at masasabing isang katotohanang panlahat, na ang tao’y iisa ang kapalaran. Isinisilang sa mundo upang muling mamatay. Ang pagkakaiba lamang ay ang mga landas na dinaraanan mula sa pagsilang hanggang sa huling sandali ng buhay.
Nagaganap sa lahat ng uri ng tao ang kamatayan. Tulad ng pagsikat ng araw, ang kamatayan ay isa ring pandaigdig na katiyakan. At kapag dumating na ito, may hatid na lungkot, kirot sa puso, kalooban at damdamin, at dalamhati sa mga nagmamahal na naiwan at naulila.
Kayakap ang pagluha at kalungkutan, ang pangungulila’y magsisimula nang mag-ugat sa puso. ‘Tila isang mabigat na bagay na nakadagan lagi sa dibdib. Sa paglipas ng mga araw, nadarama ang hapdi. Sa damdamin, nag-iiwan at lumilikha ng malalim na kahungkagan o guwang. Naghahanap ng lunas ngunit hindi malaman kung saan makikita at matatagpuan. At ang sandali ng pangungulila’y isang bahagi na ng paghahanap. Kung kailan matatapos, walang nakatitiyak. Maluluha ka na lamang nang lihim sa iyong pag-iisa. A, sa mga sandali ng pangungulila, nagugunita ang mga alaala ng namayapang mahal sa buhay.
Ang mga nabanggit ang naramdaman ng inyong lingkod mula nang tumugon sa tawag ng Dakilang Maykapal ang aking kabiyak ng puso. Isang alaalang hindi na malilimot ang umaga ng Pebrero 9,1994. Ang kamatayan o tawag ng Dakilang Maykapal ay kanyang tinugon matapos ang dalawang beses na operasyon sa kanya dahil sa sakit na brain tumor.
Tulad ng nagaganap sa pagyao sa buhay ng isang pamilya, ang kamatayan ng aking mahal na kabiyak ng puso’y aking iniluha. Bagamat masakit at kasimbigat ng bundok, ang kamatayan niya ay itinuring naming isang “matamis na halik” ng Diyos sa aming buhay. Tulad din nang yumao ang aming ina at ama, na dalampung araw lamang ang pagitan.
Sa kamatayan ni Miriam (pangalan ng kabiyak ng aking puso), marami kaming natanggap na pakikiramay. Sa aming mga kaibigan. Kamag-anak. Kakilala. Kababayan. Kasama sa trabaho sa radyo, pahayagan, telebisyon at paaralan. At maging sa iba pang katapatang-loob. Sa lahat halos ng uri ng tao at mga kaibigan ng aming limang anak.
Ang pakikiramay na iyon sa mga sandali ng pagdadalamhati ay ‘tila balsamo at gamot na bahagyang nakapawi ng aming lungkot. Hindi na namin iyon malilimot, laluna ang isang bahagi ng liham-pakikiramay na aming natanggap.
Ayon sa isang bahagi ng liham, ang kamatayan ng isang minamahal ay talagang naghahatid ng kapaitan at matinding kalungkutan sa mga naiwan at naulila. Hindi dapat malumbay sapagkat ang aking kabiyak ng puso ay tinawag na ng Panginoon upang sumama sa Kanya at magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Mula nang yumao ang aming kabiyak ng puso, dalawa hanggang tatlong beses sa loob ng isang linggo’y dinadalaw ko ang kanyang libingan sa isang Memorial Park sa Angono, Rizal. Mula ikalima ng hapon ay doon na ako inaabot ng paglubog ng araw at takipsilim. Sa nasabing libingan, naroon din ang ibang mga naulila na dumadalaw sa puntod at libingan ng kanilang namayapang mahal sa buhay. Nabatid ko na hindi ako nag-iisa sa kalungkutan at pangungulila.
Sa aking mga pagdalaw sa libingan ng namayapa kong kabiyak ng puso, naibubulong ko, matapos na mag-ukol ng panalangin, ang bahagi ng tulang aking isinulat, isang linggo matapos na maihatid sa kanyang huling hantungan ang aking kabiyak ng puso. Marahil,, ang nadarama ko’y damdamin din ng mga nawalan ng mahal sa buhay.
Ganito ang ilang bahagi ng tulang may pamagat na ?”Sa Mga Sandali ng Pangungulila”:
Sa mga sandali ng pangungulila ko, aking sinta, nagbabalik-tanaw ang iyong kahapon at mga alaala.
Bagamat sa puso’y may kirot at lungkot akong nadarama.
Kahapong naglaho’y may haplos-pag-asa.
Sa mga sandali ng pangungulila, bigat sa dibdib ko’y katulad ng mga luha ng kandilang natutunaw
Kapag ikaw sinta’y pinag-uukulan ko ng dasal.
Saan ka man naroon, lagi mong tandaan, Ikaw sa gunita’y hindi mapaparam, ‘Pagkat buhay-aliw ng kasuyong lumbay Hindi nagmamaliw sa alaala ko at mga dalangin.