IBABAHAGI ng kilala at respetadong DZMM anchor at negosyanteng si Ahwel Paz ang mga pinagdaanang niyang pagsubok bago nakilala sa industriya ng showbiz. Ang kanyang life story ay gagampanan ni Francis Magundayao ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Lumaki si Ahwel (Francis) na kinagisnan ang pagsisikap ng kanyang ina para tugunan ang pangangailan nila ng kanyang mga kapatid. Sa edad na sampu, hindi paglalaro sa kalsada ang inaatupag ni Ahwel kundi ang pagtulong sa kanilang munting karinderya.
Ang pagiging isang kahig isang tuka ng pamilya ang ginamit na inspirasyon ni Ahwel para pagbutihin ang pag-aaral at maging isa sa magagaling na orator sa kanilang eskuwelahan.
Dahil sa pagsisikap, nakakuha pa siya ng scholarship at nakapag-aral sa isa sa pinakamahuhusay na kolehiyo sa Pilipinas.
Ngunit lalo siyang susubukin ng kapalaran nang masunog ang kanilang bahay at naabong lahat ang katiting na naipupundar nila. Paano niya malalampasan ang pagsubok na ito?
Makakasama ni Francis sa episode mamayang gabi sina Ana Capri, Richard Reynoso, Erin Ocampo, Belle Mariano, Sunshine Garcia, Louise Abuel, Raikko Matteo, Fourth Solomon, at Fifth Solomon, mula sa panulat ni Akeem del Rosario at sa direksiyon ni Topel Lee.