Ni HANNAH L. TORREGOZA, at ulat ni Genalyn D. Kabiling

Nanawagan kahapon si Senator Nancy Binay sa Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at National Food Authority Council (NFAC) na tigilan na ang pagtuturuan at sisihan at pagtuunan ng pansin ang gagawing aksiyon upang masolusyunan ang patuloy na kumakaunting supply ng NFA rice sa merkado.

Sinabi ni Binay na umaasa siyang mareresolba ni Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol at ng NFA Council ang kanilang mga hindi pinagkakasunduan, at gumawa ng paraan upang masolusyunan ang problema sa alegasyong kinakapos na ng NFA rice sa merkado.

“Yung isa sinasabi na kailangang mag-import, ‘yung isa naniniwala na walang need. At the end of the day, walang NFA rice tayong nabibili,” sabi ni Binay. “Unahin muna natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan bago ang internal issues among the different agencies.”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nanawagan din ang senadora sa mga nagbebenta ng commercial rice na huwag magsamantala sa sitwasyon, at sa halip ay tumulong upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas.

‘DI KUMOKONTRA

Nilinaw naman ni Binay na hindi niya kinokontra ang sinabi ni Piñol na mayroong “huge inventory of locally harvested rice”, subalit iginiit na mas mahal ang bigas na mabibili ngayon sa mga pamilihan kaysa NFA rice.

“Daing tuloy ng karamihan, buti pa ang presyo ng bigas nagmamahal, habang ‘yung bulsa ng taumbayan ang nasasaktan,” sabi pa ng senadora.

Aniya, ang NFA rice ay mabibili ng P27-P32 kada kilo, na mas mura sa commercial rice na mabibili ng P45-P60 bawat kilo.

“Ang mga rice retailers sa Mindanao walang mahanap na NFA rice. Kahit ang Google sumuko na sa pagse-search,” dagdag pa ni Binay.

Hanggang nitong Lunes, mayroon na lamang 65,200 metriko tonelada ng NFA rice ang imbak, na tatagal ng dalawang araw.

Obligado ang ahensiya na magkaroon ng 15-araw na buffer stock sa lahat ng oras.

“Ang concern ko bakit tayo umabot sa punto na halos wala nang nabibiling NFA rice. Artificial lang ba ito? May nagho-hoard ba? Sino ang nakikinabang dito?” sabi ni Binay. “Kung hindi puwedeng mag-import, hanapan ng alternatibong paraan ‘wag nang marami pang dahilan, at iwasan ang turuan.”

DELIVERY!

Kaugnay nito, sinabi rin kahapon ng Malacañang na dapat nang asahan ng publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga susunod na araw dahil paparating na ang delivery ng 325,000 metric tons (MT) ng bigas ngayong buwan.

“Kapag dumating na 325,000 metric tons sigurado naman na bababa ng presyo ng bigas kasi malaking volume ‘yan,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing.

“Kahit anong klaseng rice siya kapag maraming supply, bumababa ang presyo. Law of supply and demand,” dagdag pa ni Roque.

Batay sa impormasyon mula kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr., chairman ng NFAC, sinabi ni Roque na magkakaroon ng “more than enough rice” para maging sapat ang supply ng NFA rice sa bansa.