tennis copy

JAKARTA (PNA) – Target ng Team Philippines na makausad sa susunod na round sa pakikipagtuos sa Singapore Huwebes ng hapon sa Fed Cup Asia/Oceania Zone Group 2 tie sa Bahrain Tennis Federation hard courts.

Nagtabla ang Philippines at Singapore sa Pool B round-robin (1-1) nang kapwa manaig sa kagrupong Kyrgyzstan.

Nakatakda ang laro ganap na 10:00 ng umaga (3:00 ng hapon sa Manila). Ang tied ay nilalaro sa best-of-three (dalawang singles at isang doubles).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nanaig ang Pinay netters sa Kyrgyzstan, 2-1, Miyerkules ng hapon.

Nagwagi si three-time Philippine Columbian Association (PCA) champion at WTA Circuit campaigner na si Marian Jade Capadocia ng Antique province kontra Saara Kunakunova, 6-1, 6-2, sa first singles match.

Nakatabla ang Kyrgyzstan nang maungusan ni Ksenia Palkina, tumipa ng pitong service aces, si Filipino-German Katharina Lehnert, 7-5, 3-6, 7-5, second singles match.

Nakabawi si Lehnert nang magwagi ang tambalan nila ni Anna Clarice Patrimonio kontra Palkina at Kanykey Koichumanova, 6-4, 6-3, sa doubles match.

Tangan ni Patrimonio ang 11 singles match victory at 15 doubles match, kabilang ang walo na katambal si Capadocia, mula nang sumabak sa Fed Cup noong 2011.

Miyembro naman ang 23-anyos na si Capadocia ng Fed Cup team noong 2012, 2013 at 2014. Hawak niya ang 7-1 karta sa singles at 9-1sa doubles event.

Bumagsak ang Philippines sa Group 2 matapos mabigo sa Group 1 competition sa nakalipas na taon sa Astana, Kazakhstan.

Sakaling malagpasan ang Singapore, makakaharap ng Philippines ang top team sa Pool D na Indonesia. Nanguna ang Indonesian nang bokyain ang host Bahrain (3-0) at Pakistan (3-0).

Tangan ng Pinay ang 6-1 bentahe sa head-to-head duel kontra Singaporeans.

Huling nagtagpo ng landas ang dalawang bansa sa 2016 promotional final playoff sa Thailand kung saan winalis ng Philippines ang dalawang singles ( Khim Iglupas kontra Charmaine Shi Yi Sheah, 6-2, 6-4, at Filipino-German Katharina Lehnert kontra Stephanie Tan, 3-6, 6-3, 6-4) sa best-of-three match.

Binubuo ang Singapore nina Sheah, Tan, Lynelle En Tong Lim at bagitong si Tammy Tan. Tumapos sila sa ikapitong puwesto sa nakalipas na season nang matalo sa Pacific Oceania sa positional playoffs.