Ni Ric Valmonte
NAAAYON daw sa Saligang Batas ang Joint Resolution ng Kongreso na inaprubahan nito noong Disyembre 13, 2017 na nagpapalawig sa Proclamation no 216 hanggang sa katapusan ng 2018, sabi ng Korte Suprema. Sa nasabing proklamasyon, inilagay ni Pangulong Duterte ang buong Mindanao sa ilalim ng Martial Law at sinuspinde ang writ of habeas corpus matapos salakayin ng umano’y teroristang Abu Sayaff at ISIS-Maute ang Marawi City noong Mayo23.
“May sapat na batayan,” wika ng Korte, “ ang resolusyon ng Kongreso.” Kaya, sa botong 10-5, ibinasura nito ang magkahiwalay na mga petisyong kinukwestiyon ang isang taong pagpapalawig ng rehimeng batas militar sa Mindanao.
“Hindi nakasaad sa Saligang Batas kung ilang beses palawigin ng Kongreso ang proklamasyon ng martial law o pagsuspinde ng writ of habeas corpus. Ang pagrerepaso ng Kongreso sa kahilingan ng Pangulo na pahabain ang Martial Law sa Mindanao sa loob ng isang taon ay hindi pwedeng muling suriin ng Korte. Hindi itinatakda ng Konstitusyon kung hanggang kailan palalawigin ng Kongreso ang martial law kundi ipinauubaya na lang ito dito. Kung ang layunin ng Constitutional Commission, na lumikha ng Saligang Batas, ay limitahan ang pagpapahahaba hanggang 60 araw lamang, sana isinaad nito at hindi hinayaan ito sa Kongreso,” paliwang ng Korte Suprema.
Ito ang pinakamatibay na dahilan kung bakit hindi dapat baguhin ang Saligang Batas. Kasi, kahit anong pagbabago ang gawin kung ganito naman magpakahulugan ang Korte Suprema, wala na tayong gagawin kundi baguhin ito nang baguhin depende kung ano ang pagnanais at magsisilbi sa pansariling interes ng mga taong pinagkalooban ng mamamayan ng kanilang kapangpayarihan.
Ang interpretasyon ng Korte na nasa kapangyarihan na ng Kongreso kung hanggang saan nito pahahabain ang Martial Law ay nakakatakot. Ginawa nitong mamera na ang Martial Law. Sa tuwing hihiling ang Pangulo ng pagpapalawig ng martial law at sakupin ang iba pang lugar at inaprubahan ito ng Kongreso, wala nang bisa ang probisyon ng Saligang Batas na nagbibigay ng proteksyon sa taumbayan laban sa batas militar. Ang kanilang buhay at kapalaran ay nasa kamay na ng mga pulitiko.
Binalewala ng Korte Suprema ang madilim at madugong kasaysayang pinagdaanan ng ating bayan. Sa ilalim ng Martial Law noon, ang batas ay si dating Pangulong Marcos. Nagkagutom-gutom ang taumbayan dahil sinarili ng mga Marcos ang salapi ng bayan. Kinumpiska ang mga ari-arian ng nakursunadahan nila. Ipinasara ang media at nawalan ng armas ang taumbayan laban sa pangaabuso sa kanila. Ipinadakip ang mga sa akala ay kalaban.
Maraming namatay, nangabuwal, at nangawala sa gitna ng kadiliman. Anupat bumaha ng dugo at luha ang bansa. “Ang martial law extension ay nangangahulugan sa amin sa Marawi na pwede nilang dambungin ang mga nalalabi naming ari-arian, patuloy kaming takutin at labagin ang aming karapatang pantao,” sabi ni Drieza Lininding, chair ng Moro Consesus Group ukol sa desisyon ng Korte Suprema.
Ang dapat na interpretasyon ay ilagay sa konteksto ng kasaysayan. Ang kakulangan ng probisyon sa Saligang Batas, kung meron man, ay ipinalagay na naglilimita sa Martial Law at itinataguyod ang karapatang pantao. Ang problena sa Korte Suprema, sinilip nito ang butas at sinamantala ito para sa layunin ng gustong mag-ala-Marcos.