SA katatapos na India-ASEAN commemorative summit para sa ika-25 anibersaryo ng ugnayan ng India at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), inihayag ng gobyerno ng India sa unang bahagi ng linggong ito na handa na itong isulong ang pakikipagtulungan sa Pilipinas sa larangan ng depensang militar, gayundin sa iba pang karatig-bansa nito sa South China Sea (SCS).
Nilagdaan ang Plan of Action for India-ASEAN Cooperation for 2016 to 2020 sa idinaos na summit sa New Delhi noong nakaraang buwan, na dinaluhan ni Pangulong Duterte at ng iba pang lider ng ASEAN. Tinukoy ni Pritee Saran, kalihim ng East Asia of the Indian Ministry of External Affairs, ang pangangailangan sa pagtutulungang militar, kabilang na ang pagsasagawa ng joint exercises.
Kasabay nito, sinabi niyang naniniwala ang India, gaya ng inilahad ni Prime Minister Narendra Modi, na “All disputes should be resolved peacefully through the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). There should be no room for the use of force to assert ownership of international waters which are for everyone.”
Dahil dito, nadagdag ang India sa mga bansang nagpapahayag ng opinyon sa matagal nang agawan sa teritoryo sa South China Sea sa pagitan ng China at ng ilang bansang ASEAN, partikular ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei. Ang apat na bansang ASEAN na ito, kasama ang Taiwan, ay may kanya-kanyang inangking isla sa South China Sea, subalit pinapabulaanan ng China ang mga pag-aangking ito, at iginiit na mayroon itong soberanya sa halos buong karagatan, alinsunod sa nine-dash line sa mapa ng China sa lugar.
Walang interes ang Amerika sa alinman sa mga pinag-aagawang isla, subalit iginigiit ang karapatan nito sa malayang paglalayag sa karagatan, na itinuturing na pandaigdigang dagat. Kaya naman may mga panahong nagpapadala ito ng mga barkong pandigma sa nasabing karagatan, bukod pa ang mga eroplanong lumilipad sa papawirin nito, at hayagang binabalewala ang pagtataboy dito ng China.
Bago matapos ang termino ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2016, napanalunan ng Pilipinas ang kasong idinulog nito sa UN Arbitral Court sa Hague, na nagpasya laban sa China. Idineklara ni Pangulong Duterte na pinaninindigan ng Pilipinas ang nasabing pasya ng korte, subalit hindi ito ang tamang panahon upang harapin ang China, aniya.
Kinuwestiyon siya ng kanyang mga lokal na kritiko, kabilang si Supreme Court Justice Antonio Carpio, na paulit-ulit na nagbabala na maaaring mawala sa Pilipinas ang ipinaglalaban nitong teritoryo dahil sa mistulang kawalang aksiyon ng kasalukuyang administrasyon sa nasabing usapin.
Sa alok nitong pagtutulungang militar, kabilang na ang joint military exercises, malinaw ang naging posisyon ng India sa isyu. Umaasa tayong ang bagong development na ito ay hindi magpapalala sa panganib na sumiklab ang aktuwal na karahasan sa lugar, at sa halip ay mapaigting ang panawagan para sa mapayapang magresolba sa lahat ng hindi pinagkakasunduan, sa ilalim ng United Nations.