Ni Aaron B. Recuenco
LEGAZPI CITY - Nagawa pa ring sumugod sa Bagumbayan Elementary School ang gurong si Lani Robrigado kung saan nagtakbuhan ang daan-daang evacuee kasunod ng pagsabog ng Bulkang Mayon nitong Enero 22 ng madaling-araw.
Dahil itinalagang coordinator ng Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), tinitiyak pa rin ni Lani na bukas ang eskuwelahan sa lahat ng oras, kahit sa anong paraan, kahit iiwan niya ang kanyang nag-iisang anak sa kanilang bahay sa Barangay Tula-Tula sa Legazpi, sa dis-oras ng gabi.
Nagawa pang magmakaawa ni Robrigado sa pinahinto niyang motorsiklo upang maihatid siya sa nasabing paaralan na tinatayang nasa dalawang kilometro ang layo.
“I was no longer thinking of my safety. All I had in mind was the evacuees because I know that some of them are lactating mothers, most of them are children and senior citizens,” ang pagmamalasakit na pahayag ni Robrigado nang kapanayamin ng Balita.
Pagdating pa lamang sa lugar, binuksan niya kaagad ang mga pintuan ng mga classroom at inasikaso nang husto ang mga pamilyang maaaring magkasya sa lugar, kasabay na rin ng pagbibigay niya ng evacuation protocol sa mga ito.
Mabuti na lamang, dumating din ang mga kasamahan niyang guro na tumulong sa kanya sa iba pang pangangailangan. Alam nilang lahat ng instruksyon dahil hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nangyari ito.
Nakiusap sa kanya ang ilang kasamahan nitong guro na umuwi na muna dahil pasado 4:00 na ng madaling-araw.
“I went home to prepare my child to school and use the remaining time because I had to go back at 6 a.m. because we know that there would be thousands more to arrive,” pursigidong pahayag ni Robrigado.
Mag-iiba sana ang takbo ng sitwasyon kung nasa tabi nito ang kanyang asawa ngunit nasa destino ito sa malayong lugar bilang sundalo.
Pagpatak ng 6:00 ng umaga, nagkatotoo nga ang sinabi ni Robrigado dahil dumadagsa na ang libu-libong evacuee mula sa Bgy. Buyuan na matatagpuan lamang sa pito hanggang walong kilometrong permanent danger zone, upang tumakas sa bagsik ng bulkan.