Ni Johnny Dayang

ANG panukalang ‘deployment ban’ ng mga OFW sa Kuwait bunga ng pang-aabuso ng kanilang mga employer, ay maaaring magdulot ng seryosong mga suliranin na makaaapekto sa diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Kuwait.

Mabigat ang posibilidad na ito, ngunit maaari ring maging daan upang mabalangkas ng dalawang bansa ang tamang mga hakbang upang matugunan ang mga suliraning likha ng mga Kuwaiti employers, ngunit higit na mabigat ang banta ang mula sa Saudi Arabia, na isinusulong ang sistemang Nitagat o Saudization na naguutos sa kumpanya doon na unahin ang mga manggagawang Saudi sa paghirang nila ng empleyado.

Daan-daang libo ang mga OFW sa Saudi, ngunit magandang balita naman na sa kabila ng pagmumura ng Malcañang sa mga Europeo, nagbubukas sila ng pinto para sa mga Pilipinong may mga kasanayan. Kamakailan, ipinahayag ni Czech Republic Prime Minister Andrej Babis sa isang diplomatikong pagtitpon sa Prague, ang pagbubukas ng mga 1,000 puwesto para sa mga kuwalipikadong Pinoy kung saan kikita sila ng euro dollars.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang naturang pahayag ay nagbabadya ng pagbubukas ng pinto ng Europe para sa mga manggagawang Pinoy na kilala at hinahangaan ng mga mamumuhunan at kumpanya sa buong daigdig dahil sa likas nilang angking kasipagan at magandang paguugali at pananaw sa trabaho. Isa ang Europe sa pinakamaiinam na labor employment center para sa mga Pinoy.

Sa kasaysayan, matagal nang magkaugnay ang Czech Republic at ang Pilipinas bunga ng matibay na pagkakaibigan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal at ng prominenteng Czech na si Dr. Ferdinand Blumentritt. Sa Rizal Park sa Prague, nakatayo roon ang bantayog ni Rizal na may plake kung saan ginugunita ang pagbisita at pansamantalang pagtira doon ng ating bayani noong huling bahagi ng 1800s.

Sa naturang plake sa Parkany Jose Rizala (Rizal Park), binibigyan ng mataimtim na pagpapahalaga ang “true friendship of the most famous personality of the Philippines, the great Humanist Jose Rizal; and the Director of the Technical Secondary School in Litomerice, Ferdinand Blumentritt.”

Tanyag ang Prague, kabisera ng Czech, sa mundo ng mga Katoliko dahil sa Sto. Nino de Praga na ang ginintuang anibersaryo ng debosyon nito ay ipinagdiwang kamakailan sa Davao City.

Tanyag din sa mundo ang Czech Republic sa komprehensibong sistema nito sa pangangalaga ng mga migranteng manggagawa, patas na pagtrato sa lugar ng trabaho at malalaking benepisyo sa paggawa.

Lalo pang pinakinang ang kahalagahan at kagalingan ng mga OFW ng mga inihayag kamakailan ang pagtanggap sa kanila sa Taiwan, Japan, London at China.