Ni Dave M. Veridiano, E.E.
ANG kahalagahan ng isang industriya ay hindi agad nakikita kapag ang benipisyong dulot nito sa isang komunidad ay sadyang ITINATAGO o INILILIHIM sa mga tao upang ang makinabang ay ang iilan lamang.
Kaya binabalik-balikan kong basahin ang FORMULA ng mga numerong basehan ng Special Investigative Report na isinulat ni Retired Police Sr. Supt Wally Sombero, hinggil sa “Anatomy and Dynamics of Interactive Online Gaming” at ang business structures nito, upang maibahagi sa kaalaman ng nakararami.
Marahil, kung mababasa lamang at mapag-aaralan ng mga opisyal ng Department of Finance (DF) at Department of Trade & Industry (DTI) ang mga detalye sa Special Report na ito ni Wally, ay marami silang mapupulot na impormasyon at pamamaraan na makakatulong -- “to recover, identify and collect the lost and untapped revenues” mula sa patagong industriyang ito.
Sa pananaw ng report, sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon ay makakaya ng Pilipinas na maging Global Hub of the Interactive Online Gaming Support Service industry – na ang ibig sabihin ay may projected growth na one (1) million expats hanggang sa taon 2020. At kung magiging madiin pa ang pagpapatupad ng pamahalaan sa kanyang inirekomendang “steps of project implementation” ay maaaring umabot pa ito ng 2.5 million sa 2022.
Nangangahulugan ito na sa 1 million expats lamang, ganito ang maaaring maging kabuuang kita ng pamahalaan: P70 billion sa Working Permits; P273.6 billion mula sa isang Special Fee; at P270 billion sa BIR Income Tax return…Sobra-sobrang ipangpuno sa BILYONES na DEFICIT ng ating taun-taon na proposed national budget.
Bukod pa rito ang natatanging “economic multiplier effects” na maidudulot ng P1.368 trillion suweldo ng mga expats sa loob ng isang taon na pagtira rito sa bansa – na pinatutunayan naman ng opisyal ng barangay, na nagsasabing umunlad ang kanilang lugar na kinatatayuan ng condominium, na tinitirahan ng mga EXPAT na ito.
Kaya nga labis ang aking pagkamangha sa rebelasyon ng Special Report ni Wally – na may mga BILYONES pang mawawala sa kaban ng bayan bukod pa sa uncollected taxes at individual income tax return, kapag umabot na sa 1 milyong expats ang nagta-trabaho sa patagong industriyang ito…Cash daw kasi kadalasan ang pagpapa-suweldo sa mga EXPAT, ‘di dumadaan sa bangko, kaya’t siguradong napapalusutan sa TAX ang mga ahente ng BIR.
Ito naman ang nakalulungkot na bahagi -- ang industriya ay nasa “Brink of Collapse” – ang mga operator ay naglilipatan na sa ibang bansa dahil sa sinasabing “hindi friendly environment” dito sa bansa…Iba-ibang uri ng paniniil at panggigipit mula sa legal at ilegal na mga pamamaraan ang inaabot ng mga ito.
Dahil sa inaabot na sobrang pahirap sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo, ay unti-unti nang naglilipatan ang mga ito sa ibang bansa…Kaya’t ang nangyayari tuloy ay “mga Pinoy ang nagtanim, nagbayo at nagsaing, subalit nang maluto ay iba ang kumain!”
Ayon kay Wally, kailangan ang “friendly business environment” at “reliable internet connectivity” upang maging kampante ang mga “operators” na itatag at palaguin ang kanilang “back-bone” dito sa Pilipinas. At kapag ganito ang klima, magkakasundo ang lahat ng stakeholders, na mas magpapalago sa papasok na REVENUE sa bansa.
Sa aming kuwentuhan, ramdam kong ito ay isang legacy sa buhay ni Wally -- na nais niyang ibahagi sa pamahalaan ang kanyang pinagkadalubhasaan at natuklasan, upang maipamulat sa maaaring “unaware o misinformed” na mga opisyales na naitalaga ng Pangulo sa larangang ito…Ang sa akin lang, baka naman mga opisyal na sadyang NAGTATANGA-TANGAHAN o kaya ay NAGBUBULAG-BULAGAN upang solohin ang kita ng bayan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]