Ni Gilbert Espeña

IPINAGMALAKI ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III ang tagumpay ni world super flyweight boxing champion Jerwin Ancajas na isang Mindanaoan.

Nadomina ng 26-anyos na si Ancajas, isinilang at lumaki sa Panabo City, Davao del Norte, si Mexican challenger Israel Gonzalez bago nagwagi sa 10th round knockout para mapanatili ang kanyang International Boxing Federation (IBF) 115-pound title sa American Bank Center sa Corpus Christi, Texas.

“Si Jerwin Ancajas ay kampeon ng mga Pilipinos at Mindanaons,” pahayag ni Pimentel.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ito ang unang laban ni Ancajas sa Amerika na nagmarka sa ikaapat na matagumpay na pagtatanggol ng kanyang IBF super flyweight belt. Siya rin ang unang kampeong pandaigdig sa ilalim ng MP Promotions, na pag-aari ng kapartido ni Pimentel sa PDP Laban na si Senador Manny Pacquiao.

“Ipinakita ni Jerwin ang determinasyon na ‘hindi susuko’ na unang ipinamalas ni Sen. Pacquiao at iba pang kampeong pandaigdig mula sa Mindanao. Ang tagumpay niya ay isa na namang katangi-tanging marka ng karangalan para sa ating bansa,” dagdag ng Pangulo ng Senado.

Si Ancajas ay miyembro ng eksklusibong samahan ng mga Pilipinong kampeong pandaigdig mula sa Mindanao na kinabibilangan nina Pacquiao, Nonito Donaire Jr., Ben Villaflor at Rolando Navarrete.