Ni Reggee Bonoan
PAAWA at papansin epek ang aktor na may teleseryeng katatapos lang dahil panay ang post sa social media na iniwan at ‘kinakawawa’ raw siya.
Hindi binabanggit ng aktor kung sino ang nang-iwan sa kanya pero dahil alam ng fans niya ang kuwento ng buhay pag-ibig niya ay marami ang nakisimpatiya sa kanya.
Kaya galit ang mga loyalistang fan ng aktor sa babaeng nang-iwan sa idolo nila kahit hindi muna dino-double check kung sino talaga ang may kasalanan kaya humantong sila sa paghihiwalay.
Magaling magdrama ang aktor lalo na kung pinapalabas niyang kinakawawa siya. Gusto tuloy namin siyang bigyan ng best actor trophy dahil isa rin kami sa mga napaniwala niya noong una namin siyang mainterbyu. Dumating pa sa punto na nawalan tuloy kami ng gana sa taong pinatatamaan niya noon.
Pero nang makilala namin ang totoong karakas niya at marami na rin kaming naririnig na kuwento ng mga katrabaho niya, kasama na ang production people, naniwala na kami dahil iisa ang kuwento ng lahat.
Lalo pa kaming nairita sa aktor nang makita namin mismo maling gawain niya na pilit niyang itinatanggi at kung anu-ano pang dahilan ang sinabi.
Nakakatawa ang aktor dahil kitang-kita namin din kung paano niya lambingin ang reporters/bloggers/online writers para makakuha ng simpatiya sa pinagdadaanan daw niya ngayon. Tinitingnan na lang namin siya mula sa malayo at napapailing.
Best actor talaga. Sana nga makatanggap siya ng award sa mga naging project o magiging projects niya.
At heto pa, Bossing DMB, cry baby naman pala ang nakakairitang aktor at panay ang sumbong sa ina, na naintindihan namin dahil anak kaya kinakampihan. Pero bago naman sana tumalak ang nanay ay alamin muna ang puno’t dulo ng kuwento.
Natatandaan namin noong magkarelasyon pa ang aktor at ang babaeng nang-iwan daw sa kanya, eh, hindi rin naman maganda ang trato ng nanay niya sa girl.
Pakiramdam ng girl, hindi siya type ng kunsintidorang nanay, kaya isa rin ito sa mga dahilan kung bakit tuluyan na niyang iniwan ang mama’s boy.
Kuwento ng ilang fans na loyal sa babae, nagagalit daw ang nanay ng aktor dahil kinawawa ang anak at naapektuhan ang career nito.
Wow ha? Ang galing ding umarte ng nanay ng aktor, artista rin.