Ni CHARINA CLARISSE ECHALUCE

KATULAD ng viral na Minsan Okay Lang Ma-traffic blogs na “21 Thoughts While Watching ‘100 Tula Para Kay Stella’”, “21 Thoughts While Watching ‘Siargao’”, at iba pa, hindi ito spoiler kung ‘di parang trailer na ipinamalas sa porma ng mga hugot – maaaring totoong nasa pelikula at maaari ring simbolismo lamang – at malalaman lang ninyo kung bakit ko naisip ang bawat isa kung panonoorin ninyo ang pelikula.

CARLO AT BELA copy

#1 Maaari mong matagpuan ang hindi mo hinahanap sa lugar na hinding-hindi mo inaasahan; habang pinaggigitnaan kayo ng pader, habang pumapagitna ang pagkakaiba.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

#2 Minsan, kailangang umulan, bumagyo, at bumaha para magtagpo kayong dalawa.

#3 Iba pa rin iyong may nakakasama ka para pagtawanan ang mga pinaggagagawa at kinatatakutan mo noong bata ka pa.

#4 May mga taong babalik sa buhay mo pero babalik lang, hindi makakapasok muli.

#5 Huwag mag-alala kung nasira ang gabi mo. Hanggang hindi pa tapos ang magdamag, hindi pa tapos ang gabi. Marami pang puwedeng mangyari.

#6 May mga gabi sa buhay natin na hindi natin makalilimutan kahit ilang libong umaga pa ang dumating.

#7 May mga kalsadang naghihiwalay ngunit nagiging isa muli sa malayong unahan; pinagsasama muli ang mga sasakyan, ang mga tao, na minsang nagkahiwalay habang naghahanap ng mas magandang daraanan.

#8 Tuwang-tuwa ako sa fiancee rito ni Carlo Aquino. Nalito ako kung iyong karakter ni Bela pa rin ba ang gusto ko para sa kanya. Ha-ha-ha!

#9 Hindi mo kaagad malalaman kung gaano kalaki ang parte mo sa buhay ng isang tao — lalo kung hindi mo naman talaga inaalam.

#10 Kapag bumibitiw ka sa pangarap mo, hindi ka naman talaga roon sa mismong pangarap sumusuko — kung ‘di sa mga puwersang pumipigil sa iyo sa pag-abot nito.

#11 Mahirap maging parte muli ng buhay ng taong mahal mo kung alam mong hindi na siya muling magiging sa iyo — pero mas mahirap maging parte ulit ng buhay niya kung alam mong hindi pa rin siya magiging sa iyo.

#12 Masakit isipin na mabuti pa iyong ilang libong piraso ng jigsaw puzzle ay may tsansang mabuo — pero iyong mga piraso ng basag mong puso, hindi mo sigurado kung may pag-asa pang bumalik sa dati nitong anyo.

#13 Kahit napakalapit mo na sa dulo, kahit napakalayo na ng nilakbay mo, babalik at babalik ka pa rin kung pakiramdam mo ay mas mahalaga ang iniwan mo sa daan kaysa sa mismong destinasyon mo.

#14 Mas malamig pa sa niyebe ang pusong pinagyelo ng paulit-ulit na pananakit.

#15 Hindi dahil paulit-ulit ka niyang hinintay, e, mamihasa ka. Hindi lahat ng marunong maghintay ay habambuhay na maghihintay.

#16 Hindi maganda ang niyebe kapag nagyeyelo ang puso mo.

#17 Iyak. Bakit ba palagi akong pinaiiyak ng pelikula ni Bela Padilla?

#18 Iyak ulit. Hindi ko na kinaya iyong batuhan nila ng linya.

#19 Iyak na naman. Habang nagkakalinawan sila, lumalabo ang salamin ko.

#20 Minsan, hindi mo maisalin ang emosyon sa papel. Minsan, makalilimutan mo lang ang isang isusulat mo dahil sa sakit.

#21 Hindi patas iyong paulit-ulit mong bubuin ang mundo niya ‘tapos iiwanan mong durog — na sa bawat pag-alis mo ay paulit-ulit siyang madudurog hanggang maging pulbos na.

#22 Hindi dahil sinabi niyang huwag ninyong simulan ay hahayaan mo na lang matapos bago pa mag-umpisa. Baka magsisi ka.

#23 Hindi dahil perpekto ang lahat ay matatakot ka nang sumubok na magbukas ng panibagong kabanata. Mas maigi na ang hindi perpekto pero umaandar kaysa tumigil ang lahat sa isang tagpo; nang hindi umuusad at hindi lumalago.

#24 Paano mo nga ba pipiliin ang taong nagpapasikip ng iyong dibdib kung kapiling mo na ang taong nagpapaluwag ng iyong paghinga?

#25 Hindi sapat na mahal ninyo ang isa’t isa — dapat matapang din kayo para maging karapat-dapat sa isang pagmamahalan.

#26 Hindi masamang maniwala at manalig sa mga tsansa at sa tadhana. Ang masama ay iyong pagampanan mo sa tadhana at sa mga tsansa ang papel na dapat ay ginagampanan mo.

P.S. #27 Hindi ka makakatayo kaagad ng sinehan pagkatapos nito. Mauubos ang credits, matatapos ang kanta, didilim ang screen, bubukas ang ilaw, pero mananatili kang nakaupo. Uupo ka lang, magtatanong o magre-reflect. O kaya ay basta uupo lang, mananahimik, hindi mo alam kung bakit.