Ni Erik Espina
ITO ang titulo upang ganap na magising ang mga kaisipang nagsusulong sa ilang maling pang-unawa hinggil sa ating kasaysayan. Dahil sa mga akala, ang ating pakikitungo sa mga piling pambansang suliranin, ay hindi lutang sa tuwid na antas ng pagkapukaw sa katotohanan. Mahirap gumabay sa tamang landas kung panimulang hakbang pa lamang, sinsay agad.
Pasintabi sa mga kaibigan at kapatid sa Islam. Bilang Cebuano, maaari kong panindigan na si Lapu-Lapu ay hindi Muslim. Mayroon man siyang ugnayan sa nasabing paniniwala, ito marahil ay alyansa sa ilang Datu, Sultan o kamag-anak mula sa Mindanao. Naging isa sa tungkulin ni Lapu-Lapu ang maging punong-tanod laban sa mga mandaragat na sumusulpot sa Mactan Strait at sa mga biglang nananalakay sa mga baybaying nayon upang mandukot ng mga kababaihan, kabataan at iba pa.
Tinatangay sila papuntang Mindanao at Sulu, upang magsilbi o ibenta bilang alipin. Ang ibig sabihin ng “Bisaya”, ay alipin. Buhay ang kagawian at kalakalan ng mga alipin sa nabanggit na lugar. Maitatanong, ano ang relihiyon ni Lapu-Lapu? Ang pagsamba sa mga “anito”. Pagdadasal at pag-aalay ng handog sa mga diyos ng kahanginan, karagatan, at iba pa. Linsil din ang pananaw na halos buong Pilipinas noon ay Muslim. Hindi nangangahulugan na porke Rajah ang panuring sa isang pinuno kaanib ito sa Islam. Si Rajah Humabon ng Cebu ay hindi Muslim. Si Rajah Sulayman Maynilad, maaring sabihin na tulad lang sa taga-Cebu. Palamuti din na ang Moro, kailanman, ay hindi nagapi ng Kastila o Amerikano.
Lihis sa katotohanan.
Ang relihiyong Islam ay hindi napaluhod ng mga dayuhang mananakop. Subalit ang iba’t ibang tribu o lipi na tinaguriang Moro ay “bumigay”. May naging Kristiyano, nakipag-alyansa, at pumirma ng kasunduang pangkapayapaan. Di tumpak ang patalastas ng Moro na hindi kumilala o sumuporta sa himagsikan ni Bonifacio at republikang tinatag ni Emilio Aguinaldo. Kalat sa panulat ang mga Moro na handang umayuda kay Rizal sa Dapitan, sumama at bumahagi sa unang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa Mindanao at iba pang lugar.
Samantala, ang kaguluhan sa Katimugang Mindanao ay nagpapatuloy dahil ginagatungan o pinondohan ito ng Malaysia upang ang Sabah ay ganap na maangkin, at dahil wala pang naipapasang Bangsamoro Basic Law (BBL).