IPINAAALALA sa atin ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon na bahagi tayo ng mundo na karaniwan nang naaapektuhan sa tuluy-tuloy na pressure sa kailaliman ng lupa na anumang oras ay maaaring sumabog at makamatay. Ilang linggo nang pumuputok ang Mayon at nagbubuga ng abo habang umaagos ang lava sa mga ilog pababa sa mga komunidad sa paanan nito.
Ang mga bulkan ay bahagi ng Ring of Fire sa mga lupang nakapalibot sa Dagat Pasipiko, at ang Pilipinas ay nasa kanlurang bahagi. Marami din tayong geological faults, kung saan tuluy-tuloy na nagkikiskisan ang mga lupa sa kailaliman ng lahat ng panig ng Pilipinas. Isa rito ang West Valley Fault na nagsisimula sa Central Luzon, tumatagos sa silangang Metro Manila, patungo sa Cavite at sa nalalabing bahagi ng Katimugang Luzon.
Dahil may kasaysayan na ang West Valley Fault ng pagbubunsod ng malalakas na lindol kada 400 taon, at ang huling matinding pagyanig ay naganap noong 1658, o 360 taon na ang nakalipas, pinangangambahang anumang oras ay maaaring yumanig sa bansa ang magnitude 7.2 na lindol. Ito ang “Big One” na pinaghahandaan ng Metro Manila at ng mga karatig-probinsiya na Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna, kaya nagsagawa ng “Shake Drills” sa nakalipas na mga taon.
Partikular na nangangamba ang gobyerno sa kalagayan ng Angat Dam sa Bulacan, na nagkakaloob ng irigasyon sa mga magsasaka sa 20 bayan sa Bulacan at Pampanga. Lumilikha rin ito ng kuryente para sa Luzon Grid. At ito rin ang pinagmumulan ng supply ng tubig ng Metro Manila. Kinukuha rin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang tubig nito sa Angat, na dumadaan sa dalawang tunnel sa Ipo Dam, patungo sa milyun-milyong kabahayan at pabrika sa Metro Manila.
Inihayag ng MWSS sa unang bahagi ng buwang ito na sinimulan na ng Angat Hydropower Corporation ang proseso sa pagpapatibay sa dam, na gagastusan ng P533.3 milyon, katuwang ang National Power Corporation at ang pamahalaang panglalawigan ng Bulacan.
May bahagi ng West Valley Fault ang tumatagos sa silangang bahagi ng tubigang nasa likod ng Angat Dam at Angat Dyke.
Malinaw na may seryosong panganib na bumigay ang dam at babahain ang mga bayang nakapaligid dito sakaling
magkalindol. Subalit ang higit na magiging malaking problema sakaling bumigay ang Angat Dam ay ang pagkawala ng pinanggagalingan ng tubig ng Metro Manila.
Kaya naman labis nating ikinatutuwa ang pagpapatupad ng mga hakbangin upang mapatibay ang Angat Dam at Angat Dyke.
Maayos nating natutugunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhan sa pagsabog ng Mayon, at nagsasagawa rin tayo ng taunang drills upang ihanda ang mga taga-Metro Manila sakaling yumanig ang pinangangambahang “Big One”. Nakatutuwang malaman na tinututukan ng gobyerno ang pagpapatibay sa Angat Dam, sa unang pagkakataon simula nang maitayo ito noong 1960s.