Ni LIEZLE BASA IÑIGO

DIVILACAN, Isabela – Tinatayang aabot sa P6 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu o cocaine na narekober ng pulisya sa baybayin ng Barangay Dipudo sa Divilacan, Isabela, nitong Lunes.

Sa isinumiteng report kahapon ni Senior Insp. Jonathan Ramos, hepe ng Divilacan Police, kay Police Regional Office (PRO)-2 Director Chief Supt. Jose Mario Espino, dakong 5:00 ng hapon nitong Lunes nang marekober ang nasabing kontrabando na nasa isang plastic container.

Unang inakala ng mga residente na gasolina ang laman ng plastic container, subalit nang buksan nila ito ay tumambad ang puting substance.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Nakapaloob sa container ang 18 transparent plastic ng hinihinalang shabu o cocaine, na tinatayang aabot sa isang kilo.

Dinala na sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa Tuguegarao City, Cagayan ang nasabing kontrabando upang makumpirma kung shabu o cocaine ito.

Kaugnay nito, inatasan ni Chief Supt. Espino ang pulisya sa mga coastal town na paigtingin ang pagbabantay at baka ginagamit na ng sindikato ang karagatan sa pagbibiyahe ng mga ilegal na droga.