PAGKATAPOS sa Manila Bay, sunod namang puntiryang linisin ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang Laguna Lake, na kasama sa listahan ng importanteng anyong tubig na nangangailangan ng agarang atensiyon.

“I intend to clean up the Laguna Lake. That’s my goal,” sinabi ni Cimatu sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Region 4-A o sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Upang makamit ang kanyang layunin, inilahad ni Cimatu na kailangan niya ang kooperasyon ng mga opisyal ng DENR, partikular ang mga Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) at mga Community Environment and Natural Resources Officers (CENRO) sa Laguna at Rizal.

“I cannot clean it by myself. I have to rely on the Regional Director and the PENROs and CENROs,” sinabi ni Cimatu sa mga field officer sa kanyang pagbisita sa DENR-Region 4A. “The success or failure of cleaning Laguna Lake and the rivers surrounding it relies on you.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Una nang sinabi ni Cimatu na handa siyang harapin ang pagsubok na pamunuan ang mga hakbanging gagawin ng gobyerno para linisin at isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay, alinsunod sa kautusan ng Korte Suprema noong 2008.

Nangako rin siyang mas magiging istrikto sa pagpapataw ng parusa sa sinumang magdudulot ng polusyon sa makasaysayang dagat, na kilala sa tanawin ng pinakamagandang paglubog ng araw sa mundo.

Ang Laguna Lake, ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas at pangatlo sa Katimugang Asya, ay matatagpuan sa silangan ng Metro Manila, sa pagitan ng Laguna at Rizal. Umaagos ito mula sa Ilog Pasig papuntang Manila Bay.

Ayon kay Cimatu, isa sa mga dahilan kung bakit marumi ang Manila Bay ay dahil sa kapabayaan ng DENR na masiguro ang kalinisan ng Laguna Lake, na nakasaad sa Clean Water Act.

“Pinabayaan nating maging madumi ang Laguna Lake,” lahad ni Cimatu.

Nililibot ni Cimatu ang bansa para sa pagsusulong ng mas de-kalidad na pamantayan ng tubig sa mga pangunahing daluyan ng tubig. Ipinag-utos niya ang paglilinis at pagsasailalim sa rehabilitasyon sa mga kritikal na anyong tubig, kabilang na ang sikat sa buong mundo, ang Boracay Island sa Malay, Aklan.