Ni Gilbert Espena

TIYAK na ang pagbabalik sa ibabaw ng lona ni eight-division champion Manny Pacquiao at pangunahing kandidato na makakalaban niya sa ESPN pay-per-view bout si dating WBO super lightweight titlist Mike Alvarado sa Abril 14 sa Madison Square Garden sa New York.

Wala pang pormal na pahayag si Top Rank big boss Bob Arum, ngunit isang malapit kay Mike Koncz ang nagbisto na si Alvarado na ang makakaharap ng Pinoy boxer.

May kartadang 59-7-2 na may 38 panalo sa knockouts si Pacquiao at magiging co-main event ng pagsagupa niya kay Alvarado ang depensa ni Aussie Jeff Horn ng kanyang WBO welterweight title kay dating undisputed super lightweight champion at mandatory challenger Terence Crawford.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ito ang kauna-unahang pay-per-view event ng ESPN na susubok kung may kinang pa sa boxing fans si Pacquiao na inaasahang mapapalaban kay Alvarado na may rekord na 38 panalo, 4 na talo na may 26 pagwawagi sa knockouts.

“We’re going over contracts with four guys that we handle, and everything’s coming along nicely,” sabi ni Arum sa panayam ng LA Times.

Huling lumaban ang Pinoy boxer nang matalo sa kontrobersiyal na 12-round unanimous decision kay Horn noong Hulyo 2, 2017 sa Brisbane, Australia.

Kung impresibong magwawagi si Pacquiao kay Alvarado, tiyak na hahamunin niya ang Horn-Crawford winner sa isa na namang PPV bout ng ESPN bago matapos ang taon.