Ni REGGEE BONOAN
HINDI biro ang gumanap sa tatlong karakter sa teleserye kaya aminado si Erich Gonzales na hirap siya, at talagang naghahanda siyang mabuti tuwing pupunta sa taping ng The Blood Sisters na magsisimula na sa Pebrero 12, Lunes kapalit ng Wildflower.
Ang huling gumanap sa tatlong karakter ay si Claudine Barretto sa seryeng Saan Ka Man Naroroon noong 1999-2001 kasama sina Diether Ocampo, Leandro Muñoz at Rico Yan (SLN).
Pagkalipas ng 17 taon ay susubukan namang gumanap ni Erich sa tatlong karakter. Pagtatapat ng dalaga, itong The Blood Sisters ang pinakamahirap sa lahat ng ginawa niyang projects.
“Kailangan prepared po talaga and mahirap sa kung mahirap dahil imagine in one day kailangan kong magpalit-palit ng karakters,” kuwento ni Erich nang humarap sa mediacon nitong Lunes. “Sa isang eksena, magkakasama silang tatlo, change make-up ka, damit and more than kailangan alam mo talaga ‘yung puso ng bawat karakter.
“Ito ang pinaka-challenging, pinaka-daring, pinakamahirap sa lahat and parang ito ‘yung dream project (ko). Wala tayong ititira sa sarili natin.”
Triplets sa kuwento ng The Blood Sisters sina Erika, Carrie at Agatha na ipinanganak ng surrogate mother at nagkaroon ng gulo kaya nagkahiwa-hiwalay ang magkakapatid.
Anu-ano ang personalidad ng triplets?
“Si Erika, siya ‘yung taga-Davao, isa siyang ina na talagang gagawin lahat para sa anak niya at kung kinakailangan niyang magsayaw sa isang club, maging strip dancer at talagang walang aatrasan pagdating sa mga taong mahal niya. Si Carrie she’s an infertility specialist, lahat ng works sa isang hospital. Si Agatha naman siya ‘yung rebel, she’s dangerous and talagang siya ‘yung tipo ng tao na kapag nakita mo, alam mong problema ang dala like galit siya sa mundo. Kung baga may mga gusto siyang makuha in life at wala siyang pakialam kahit anong way pa niya makuha like kahit makapatay o makasagasa pa ng ibang tao. She does’nt really care basta kung ano ‘yung gusto niya, kailangan makuha niya ‘yun sa anumang paraan,” kuwento ni Erich.
Kanino siya nahirapan? “Mahirap silang tatlo kasi magkakaiba, pero pinaka-challenging sa akin siguro si Agatha kasi lahat ng scenes niya sobrang intense, full of angst. Ibang klase siyang tao. Nag-shoot po kami noon sa Baguio, kaeksena ko sina Mama Pie (Cherrie Pie Picache), lahat ng scenes namin, super intense talaga to the point feeling ko ‘yung veins ko puputok na anytime, aatakihin ako sa puso kaya naka-standby ang ambulance.”
Kanino kina Erika, Carrie at Agatha nakaka-relate si Erich?
“Sa tingin ko kay Erika and me, Agatha and Carrie, because just like Erika, willing siyang gawin lahat para sa mga taong mahal niya. Si Carrie, naman very passionate with her craft and ganu’n din ako pagdating sa trabaho at si Agatha, siguro ‘yung pagiging go-getter niya na gagawa ka ng paraan kapag may gusto ka para makuha mo iyon at kung hindi maibibigay sa ‘yo, you create something basta kung anuman ‘yun, makuha mo ‘yun.”
Hindi nahirapang gampanan ni Erich ang karakter na Erika dahil taga-Davao at doon din nanggaling ang aktres.
“Si Erika, she speaks Bisaya kasi taga-Davao siya, may mga lines ako sa kuwento na bisaya talaga at may subtitle naman para maintindihan,” saad ng aktres.
Hindi lang Bisaya at Tagalog ang salita ni Erich sa The Blood Sisters kundi nag-Ilocano rin siya since lumaki naman sa Baguio si Agatha.
“Si Agatha, she speaks Ilocano, so I had to learn how to speak Ilocano also. At si Carrie naman, speaks English because she come from Sweden. Doon siya nag-aral (ng Medisina) at bumalik siya ng Manila para ipagpatuloy ‘yung business nila ng family niya,” kuwento ng aktres.
Paano niya pinaghandaan ang karakter na Carrie bilang specialist?
“Yes, meron kaming doctor din sa bawat eksena para ‘pag may mga question siya ‘yung credible sumagot dahil hindi naman kami puwedeng magmarunong dahil wala naman kaming alam kaya nandiyan lang ‘yung doctor to oversee things,” pag-amin ng dalaga.
Samantala, inamin ni Erich na naging rough year sa kanya ang 2017 at lahat ng hindi magandang nangyari ay iniwan na niya, at ngayong 2018 ay good vibes na lahat.
“Dumating ‘yung decision na hindi dapat super sad o self-destruct kaya ang ginawa ko maging positive ang lahat and yes to learning new things na hindi pa nagagawa before. Fresh start talaga this year.”
Paano niya ipagdiriwang ang nalalapit na Araw ng mga Puso?
“Taping!” natawang sagot niya. “We’re taping for the Blood Sisters at lalo na ngayon eere na po kami kaya kailangang makapagbangko so, trabaho po talaga.”
Nagpaalam kami kung puwedeng humirit pa ng isang tanong at sabi naman ni Erich, “Go, ate Reggs, ano ‘yun?’
‘May dadalaw ba sa taping?
“Wala pong ano, sa set namin stress po talaga ngaragan. Walang time para sa mga dadalaw, bawal. Work is work,” tumatawa uling sabi ng dalaga. “Friendship lang muna ang kaya kong i-offer for now dahil mahirap ang karakter ko sa Blood Sisters, so ito muna ang dapat kong unahin. At saka wala akong time ngayon for dating dahil kung may oras man ako, itutulog ko na lang. I need to rest or if I have time pa, go to the gym.”
Mapapanood na ang The Blood Sisters simula sa Lunes, mula sa direksiyon ni Jojo Saguin handog ng Dreamscape Entertainment. Makakasama ni Erich sina Ejay Falcon, AJ Muhlach, Cherry Pie Picache, Dina Bonnievie, Jestoni Alarcon, Ruby Ruiz, Pamu Pamorada at Enchong Dee.