Ni AARON B. RECUENCO
LEGAZPI CITY – Todo-depensa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 5 sa ulat ng mabagal nitong pag-aksiyon sa mga pangangailangan ng mga bakwit sa Albay dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD-Bicol na nagkaloob na ito ng aabot sa P33 milyon halaga ng ayuda sa Albay, kabilang ang pagkain at mga non-food item.
Ito ang naging reaksiyon ng DSWD-Bicol sa iniulat ng Manila Bulletin tungkol sa mga reklamo ng mabagal na pag-aksiyon ng regional office sa mga pangangailangan ng evacuees.
“Just three days after Albay ordered the evacuation of more than 8,000 families within the 7-kilometer extended danger zone, the DSWD Region V was quick to augment 5,500 family food packs upon the request of the Provincial Government of Albay and 500 family food packs were provided as initial augmentation to Legazpi City,” saad sa pahayag ng DSWD-Bicol.
Nabatid naman na halos kalahati ng aabot sa P33 milyon na binanggit ng kagawaran ay ipinamahagi sa mga bakwit nito lamang Linggo—ang araw na nalathala sa Manila Bulletin ang nasabing report.
Sa press briefing sa Legazpi City kahapon, pinuna ni Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Francis Tolentino ang biglaang buhos ng ayuda ng regional office, mula sa P18 milyon noong nakaraang linggo.
Nang tanungin ni Tolentino, inamin ni DSWD Bicol Director Arnel Garcia na nagpasya ang tanggapan na magbuhos ng maraming ayuda nitong Linggo.
Matatandaang Enero 18 nang sabihin ni Albay Gov. Al Francis Bichara na ginagamit ng mga apektadong local government unit (LGU) ang kani-kanilang savings mula sa Internal Revenue Allotment noong 2017 upang gastusin sa mga bakwit.
Sinabon din ng ilang alkalde sa Albay si Garcia sa datos ng ayuda na ipinagmamalaki ng DSWD, at sinabing ang alam nila ay galing sa Provincial Social Welfare and Development Office ang natanggap nilang tulong.
Depensa naman ni Garcia, idinidiretso ng kagawaran sa pamahalaang panglalawigan ang tulong ng DSWD.
Gayundin, hindi pa nasimulan ng DSWD-Bicol ang cash-for-work program nito na nagkakahalaga ng halos P62 milyon, dahil hinihintay pa ng tanggapan ang “complete documentary requirements” mula sa mga LGU bago simulan ang nasabing programa.
Natuklasan naman ng Manila Bulletin na hindi pa tapos ang DSWD sa pagtukoy sa mga bakwit na makikinabang sa cash-for-work kahit pa Enero 15 pa nagsimulang lumikas ang mga ito—at mahigit 10,000 sa evacuees ang nagsiuwian na.
Tiniyak naman ni Garcia na sisimulan na ng DSWD ang cash-for-work nito bukas, Pebrero 8.