Ni Tara Yap
ILOILO CITY - Inendorso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-Region 6 ang pagdadagdag ng P3.50 sa minimum na pasahe sa jeepney sa buong Iloilo.
Sinabi ni LTFRB-6 Regional Director Richard Osmeña, inendorso ng ahensiya nitong Lunes ang pagtataas ng P3.50 sa regular na pasahe sa jeep.
Dahil dito, mula sa kasalukuyang P6.50 ay magiging P10 na ang minimum fare sa jeepney sa Iloilo.
Gayunman, ang taas-pasahe na inirekomenda ng LTFRB-6 ay mababa sa P12 minimum fare na iginigiit ng tatlong grupo ng mga jeepney driver at operator sa probinsiya.
Ang proposed rate ng LTFRB-6 ay ibinatay nito sa rekomendasyon ng Department of Trade and Industry (DTI)-6, at ng National Economic and Development Authority (NEDA)-6.
Iginiit ni Raymundo Parcon, presidente ng Iloilo City Loop Alliance of Jeepney Owners and Drivers Association (ICLAJODA), na isa sa mga rason sa hirit nilang fare hike ay ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Dahil sa bagong batas sa reporma sa buwis ay tumaas ang presyo ng petrolyo, na nagbunsod ng pagmamahal din ng mga bilihin, at sinabi ng mga jeepney driver na wala nang natitira sa kinikita nila sa pamamasada.
Samantala, isinumite na ng LTFRB-6 ang nasabing rekomendasyon nito sa taas-pasahe sa LTFRB central office sa Quezon City para aprubahan.