Ni Niño N. Luces

LEGAZPI CITY, Albay – Magpapatupad ng “cash-for-cow” scheme ang Department of Agriculture (DA) upang tulungang kumita ng pera ang mga magsasaka, at para magkaloob ng masustansiyang pagkain sa mga bakwit, kasabay ng pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na magtatagal pa ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Sa briefing kahapon sa Camp General Simeon Ola sa Legazpi City na dinaluhan ng mga opisyal ng mga apektadong munisipalidad at lungsod, inatasan ni Presidential Adviser for Political Affairs Francis Tolentino, itinalagang Overall Crisis Manager for Mayon Volcano, ang DA na bumuo ng mga patakaran sa pagpapatupad ng cash-for-cow scheme.

“Nag-usap na kami kagabi (Lunes) sa cabinet meeting ni Secretary (Manny) Piñol, alam na niya ‘to. Bibilhin ng gobyerno ‘yung mga baka ng mga magsasaka nating apektado ng pag-alburoto ng bulkan,” ani Tolentino.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“’Yung sistema, bibilhin ng DA ‘yung baka. Halimbawa, P48,000 ‘yung presyo ng isang baka, ‘yung kalahati, ‘yung P24,000, ay ibibigay sa may-ari ng baka. Kakatayin ‘yung baka, ‘yung karne ibibigay sa mga evacuees, at bibigyan pa sila—‘yung mga may-ari ng baka—ng dalawang maliit na baka bilang take home nila,” paliwanag ni Tolentino.

“So, nagkapera na ‘yung magsasaka natin, kumain pa sila ng masustansiya. Pagbalik nila mula sa evacuation centers, may dala pa silang dalawang maliit na baka para muling alagaan. Galing Masbate ‘yung baka na ibibigay sa kanila,” dagdag pa ni Tolentino.

‘ADOPT A MUNICIPALITY’

Kasabay nito, inilunsad din ni Tolentino ang programang “Adopt a Municipality” para sa siyam na apektadong local government unit (LGU).

Inihayag ni Tolentino na layunin ng programa na isulong ang pagtutulungan sa pagitan ng mga LGU at isabuhay ang “unity of effort” ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, gayundin ng mga non-government agency.

Para sa programa, hinihikayat ang mayayamang lungsod na mag-adopt ng bayan sa Albay at ayudahan ang lokal na pamahalaan nito sa mga pangunahing pangangailangan.

Aayudahan ng Muntinlupa City ang bayan ng Daraga, Caloocan City naman ang tutulong sa Malilipot at Tabaco City.

Magbibigay-ayuda ang Quezon City sa Bacacay at Ligao City; ang Pasay City para sa Santo Domingo; ang Parañaque City para sa bayan ng Camalig; at ang Tagaytay City ang tutulong sa Guinobatan.