SA gitna ng paulit-ulit na banta ng North Korea na maglulunsad ito ng pag-atakeng nukleyar sa Amerika, nanawagan noong nakaraang buwan si US President Donald Trump na pag-aralan ang estado ng puwersang nukleyar ng Amerika. Ayon sa paunang ulat, kakailanganin ng $1.2 trillion upang i-upgrade at gawing moderno ang nuclear arsenal ng Amerika.
Kabilang sa mga pangangailangang pinansiyal, ayon sa Congressional Budget Office, ay ang (1) $313 billion para sa bagong ballistic missile submarine na kayang magpakawala ng mga nuclear missile mula sa kailaliman ng dagat; (2) $149 billion para sa bagong silo-based intercontinental ballistic missile; at (3) $266 billion para sa bagong B-21 Stealth bomber. Ito ang tatlong paraan ng pagpapakawala ng nuclear warheads — sa dagat, sa lupa, at sa himpapawid — sakaling sumiklab ang digmaan.
Nakalulungkot na tinututukang muli ng Amerika ang nuclear arsenal nito makalipas ang walong taon. Ang huling pagkakataon na nagsagawa ng kaparehong pag-aaral ay noong 2010, sa utos ni President Barack Obama, makaraang magkasundo ang matagal nang nuclear rivals na Amerika at Russia na bawasan ang kani-kanilang imbak na nukleyar na armas sa pagtatapos ng Cold War. Ang kani-kanilang warheads ay nasa 7,000 na lamang bawat isa, ayon sa Stockholm International Peace Research Institute. Alinsunod sa bagong tratadong START, babawasan pa nila ang bilang ng mga nuclear warhead sa 1,550, at 700 naman sa launchers sa magkabilang panig.
Subalit dahil sa tuluy-tuloy na pananakot ng North Korea at pagmamayabang na ang mga nuclear warhead nito ay maaari nang umabot sa alinmang siudad sa Amerika, ipinag-utos ni President Trump ang muling pagbusisi sa programang nukleyar ng Amerika. Sa isang ulat na inilabas nitong Biyernes, isinapubliko ng Amerika ang hindi inaasahang obserbasyon nito na hindi tamang isipin ng China na katanggap-tanggap ang anumang paggamit ng nukleyar na armas, kahit gaano pa kalimitado ito.
Tinugon ito ng China sa pagbibitiw ng pangako na hindi ito kailanman mangunguna sa paggamit ng mga nukleyar na armas “under any circumstances.” Nanawagan ito sa Amerika “[to] abandon a Cold War mentality” at tutukan ang sarili nitong programa sa pagbabawas ng nukleyar na armas. Ang China ay mayroong 300 warhead, kaya naman ito ang ikalimang nuclear power sa mundo, kasunod ng Amerika, Russia, United Kingdom, at France.
Inaasahan nating tutupad ang China sa ipinangako nito. Ang ikinababahala natin sa bahagi nating ito sa mundo ay ang North Korea, na hayagang hinahamon ang Amerika. Ihininto nito ang mga pagbabanta sa nakalipas na mga buwan, dahil na rin sa kaabalahan sa paghahanda sa paglahok sa Winter Olympics sa South Korea ngayong Pebrero.
Umaasa tayong lubusan nang ihihinto ng North Korea ang mga pagbabanta, upang hindi na kailanganin pa ng Amerika na palakasin ang kakayahan ng mga nukleyar nitong armas, na maaaring magbunsod ng hindi magandang reaksiyon mula sa karibal nito sa Cold War, ang Russia, na delikadong mauwi sa panibagong pandaigdigang pahusayan ng armas.