Ni Bert de Guzman
SI Pangulong Rodrigo Roa Duterte raw ay maitutulad sa isang “Berdugong Anghel.” Ito ang paglalarawan ni Chief presidential counsel Salvador “Sal” Panelo sa ating Pangulo. Mahilig din pala sa pelikulang Filipino si Atty. Sal dahil ang “Berdugong Anghel” ay isang Filipino movie noon. Marahil ang ibig sabihin ni Panelo rito ay tungkol kay San Miguel Arkanghel (St. Michael the Archangel) na ayon sa Bibliya ay nagtanggol sa Diyos, nagtaboy kay Lucifer, isang ambisyosong anghel, na nagtangkang labanan ang Maykapal.
Tinatanong daw si Panelo ng mga tao kung papaano niya ilalarawan si PRRD na kaibigan niya sa loob ng mahigit na 30 taon. Para sa kanya, ang Pangulo ay isang “Berdugong Anghel” dahil mahigpit siyang kalaban ng mga kriminal, corruption at mapagsamantala.
Dapat sigurong malaman ni Panelo na si San Miguel Arkanghel na nagtanggol sa Diyos laban sa kasamaan ni Lucifer ay nais lampasan ang Diyos. Si Mano Digong ay kakaiba dahil ang pinapatay niya sa drug war ay ordinaryong mga pusher at user. Puwede sigurong paniwalaan si Atty. Sal sa “BerdugongAnghel” na description kay PDu30 kung ang itinutumba niya at ni Gen. Bato ay ang mga makapangyarihan, abusado, drug lords, drug smugglers, drug suppliers, at hindi ang mga pipitsuging tulak at adik sa mga lansangan. Tiyak ipagbubunyi siya ng mga tao at sasabihing hindi nasayang ang boto namin.
Inuulit natin, lahat ay paniwala at pabor sa programa ng ating Pangulo na sugpuin ang illegal drugs sa bansa at itumba ang mga drug pusher at user na bumibiktima, gumagahasa at pumapatay ng mga tao dahil lango sa droga, subalit hindi basta babarilin ang mga ito dahil lang nasa drug watch list ng mga barangay chairman na sangkot din daw sa ilegal na droga.
Dapat ay bigyan sila ng pagkakataon na sumuko at magbago. Hindi naniniwala ang taumbayan na sila’y NANLABAN sa mga pulis. Ang dapat itumba ng mga pulis ni Gen. Bato ay mga dayuhang shabu smugglers sa Customs at mga kasapakat na Pilipino.
Inaabangan ng mga Pinoy ang umiiral ngayong “tug of war” o iringan ng Malacañang at ng Office of the Ombudsman (OTO).
Gusto ng Palasyo na suspendihin si Overall Deputy Ombudsman (ODO) Melchor Arthur Carandang dahil sa umano’y ilegal na paghahayag nito sa bank account ni PRRD na naglalaman ng bilyun-bilyong pisong deposito.
Matigas si Ombudsman Conchita Carpio-Morales at nanindigang hindi siya tatalima sa utos ni Pangulong Rody na suspendihin si Carandang sapagkat ito’y unconstitutional. May ganito na ring kaso noong panahon ni PNoy nang kanyang iutos ang suspensiyon sa ODO. Binlangka si PNoy ng korte at sinabing wala siyang kapangyarihan upang magpataw ng disciplinary action laban sa tauhan ng OTO.
May lumilitaw ngayong “heir” o tagapagmana ang boxing icon na si Manny Pacquiao. Siya ay si Jerwin Ancajas, IBF superflyweight champion. Naidepensa niya ang korona noong Linggo sa Corpus Christi, Texas, laban sa Mexican challenger na si Israel Gonzalez. Na-KO ni Jerwin ang Mexicano sa ika-10 round. Malakas manuntok si Ancajas na 26 anyos pa lamang at maingat sa pakikipaglaban. Manny, please move over, andyan na si Jerwin!