Ni Marivic Awitan
NAPANATILI ng College of St. Benilde ang kanilang titulo sa men’s lawn tennis ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa pagtatapos ng Season 93 competition nitong Lunes sa Rizal Memorial Tennis Center.
Ginapi ng Blazers sa finals ang San Beda College, 2-1, upang maitala ang back-to-back championship.
Pinangunahan ni Season MVP Jet Asilo ang nasabing panalo, ang ikatlong pangkalahatang titulo ng Benilde sa liga.
Pinarangalan naman ang kanilang mentor na si JR Moreno bilang Coach of the Year.
Sa juniors division, bumawi ang San Beda nang angkinin ang titulo pagkaraang gapiin ang Lyceum of the Philippines sa pamumuno ni Season MVP Eduardo Bagaforo.
Nagwagi rin ang Lady Red netters sa pagsisimula ng kompetisyon sa women’s division na sinimulan bilang isang demonstration sport sa pangunguna ng MVP na si Malanie Faye Dizon pagkaraang talunin sa finals ang Arellano University.
Samantala, kampeon din ang San Beda sa soft tennis finals kontra St. Benilde sa pangunguna nina co-MVP Ella Javier at Shobe Penados.