Ni Manny Villar
ISA sa mga ipinagmamalaki ng ating bansa mula pa noong aking kabataan ay ang bulkang Mayon, na nakilala dahil sa perpektong hugis.
Ngunit ang Mayon ay isa rin sa mga pinaka-aktibong bulkan sa buong daigdig, na pumutok nang mahigit 49 ulit sa nakaraang 400 taon. Sa nakaraang ilang araw, muling nagpakita ng malakas na pagputok ng bulkan, at nagluwa ng nagbabagang putik na nagpaliwanag sa kadiliman ng gabi sa Albay.
Mahigit 90,000 residente ang napilitang iwan ang kanilang mga tahanan sa paligid ng Mayon at ngayon ay nananatili sa mga evacuation center. Hindi pa alam ang kabuuang pinsalang ibinunga ng pagputok ng bulkan, ngunit ngayon pa lamang ay nakikiramay na ako sa ating mga kababayan na naapektuhan.
Natutuwa ako at nagtutulong-tulong ang pamahalaan, ang lipunan at pribadong sektor upang tulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad na ito. Ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalaan ng P70 milyon para sa operasyon, sanitasyon at pagkain para sa mga evacuation center. Sa kanyang unang pagdalaw sa Albay ay inilabas niya ang unang P20 milyon.
Nagpapatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng programang cash-for-work, na magbabayad ng P2,800 sa bawat lumikas para sa 10 araw na trabaho. Sinimulan naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo ng mahigit 300 pansamantalang palikuran sa 57 evacuation center – isa sa pangunahing pangangailangan ng mga lumikas na kababaihan.
Naalala ko noong nasa pamahalaan pa ako at pumutok din ang Mayon. Sa paglalakbay namin sa lupa mula sa Naga hanggang Legazpi ay nasaksihan namin ang hirap na dinaranas ng mga lumikas. Kritikal ang mga isyung nauukol sa pagkain, sanitasyon at seguridad sa mga evacuation center, kaya kailangan ang suporta ng lahat tuwing magkakaroon ng kalamidad.
Sa kabila ng panganib na idinudulot ng pagputok ng bulkan, nakamamangha ang kagandahan na ipinakikita ng mga larawan nito. Ipinakikita nito ang kapangyarihan at bagsik ng kalikasan.
May positibong epekto rin naman ang pagputok ng bulkan. Noong sumabog ang Mt. Pinatubo, bumaba nang pansamantala ang temperatura sa buong daigdig at nagbago ang pag-ulan sa Asya.
Ang abo na nagmumula sa bulkan ay nagiging pataba sa lupa at nagpapalago sa pananim pagkatapos ng kalamidad.
Kung minsan, ang problema ay nagbubunga ng oportunidad. Nabasa ko ang ilang ulat na nagsasabing lumakas ang turismo dahil sa dami ng mga gusting makasaksi sa pagputok ng bulkan. May mga lokal na restoran na nag-alok ng tinatawag na “lava ice cream.”
Ngunti huwag nating limutin ang nagdusa sa trahedyang ito. Gaya ng sinabi ng isang residente sa panayam ng Agence France Press, “nagpapasalamat kami sa pagdami ng mga bisita, ngunit nagugunita rin namin na maraming tao ang naapektuhan.”
Umaasa ako na sa madaling panahon ay makababalik na sa kanilang mga tahanan ang mga kababayan natin na naninirahan sa paligid ng Mayon. Natitiyak ko na sila mismo ang magsasabi sa atin na ang paninirahan sa malapit sa bulkan ay nagturo sa kanila na igalang ang kapangyarihan nito at pasalamatan ang magandang ani mula rito.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)