Ni Fer Taboy

Nanganganib na masibak sa serbisyo ang siyam na tauhan ng Police Regional Office (PRO)-12 dahil sa pambubugbog umano sa isang security guard sa Koronadal City, South Cotabato.

Ito ang pahayag ng PRO-12 na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng panggugulpi kay Randy Almasil, nasa hustong gulang, guwardiya sa McGrille Bar.

Sinabi ni Senior Supt. Nestor Salcedo, director ng South Cotabato Police Provincial Office, na hinihintay na lang ang resulta ng imbestigasyon sa siyam niyang tauhan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Salcedo, tukoy na ang mga suspek na pawang miyembro ng Regional Crime Laboratory Unit, sa pangunguna ni PO3 Edmund delos Reyes.

Nabatid na ang grupo umano ni PO3 delos Reyes ang nakuhanan ng CCTV camera kaugnay ng pananakit kay Almasil.

Sinabi ni Salcedo na kapag nakitaan ng probable cause sa isinasagawang imbestigasyon laban sa siyam na pulis, hindi mangingiming tanggalin sa serbisyo ang mga suspek.

Sinasabing binawalan ni Almasil ang mga suspek na magbitbit ng mga baril sa loob ng bar, na ikinagalit ni PO3 Delos Reyes, na humantong sa pambubugbog sa biktima.