Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Nanindigan ang Malacañang na hindi na makikipag-usap pa sa mga komunistang rebelde sa kabila ng banta ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Joma Sison na uutusan niya ang New People’s Army (NPA) na pumatay ng isang sundalo kada araw kung tatanggi ang gobyerno na ituloy ang usapang pangkapayapaan.

Nagbanta si Sison dalawang buwan makaraang kanselahin ni Pangulong Duterte ang peace talks sa CPP dahil umano sa kawalang sinseridad ng mga komunista, partikular na sa paglabag sa ceasefire.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mistulang minamaliit ni Sison ang puwersa ng gobyerno, at inaakala yatang kontrolado ng CPP-NPA-NDF (National Democratic Front) ang Pilipinas.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Bakit kami luluhod? Ano ba ang akala niya (Sison) sa Hukbong Sandatahan, hindi natin sila kaya? Manood siya!” sabi ni Roque.

“Ayaw ng Presidente sana na dumanak ng dugo, pero ‘wag niyang tatakutin iyong gobyerno na parang kontrolado nila ang teritoryo ng Pilipinas,” dagdag pa ni Roque. “Go ahead, make all the threats he wants.”

“Nakipag-usap na nga ng kapayapaan, binigyan na nga sila ng free passes, pinadadala pa sila sa Norway, all expenses paid, patuloy pa rin ang pagpapatay nila ng sundalo. Anong mangyari sa atin diyan?” dagdag pa ni Roque.

Una nang sinabi ni Sison, chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na kaya ng NPA, na nakakalat sa 17 rehiyon sa bansa, na pumatay ng isang sundalo bawat araw, sa kada rehiyon.