Ni Reggee Bonoan
NASA pang-apat na slot ang Sana Dalawa Ang Puso sa mga pinapanood sa iWantTV at ayon sa nakatsikahan naming taga-ABS-CBN.
“Pumalo talaga kaagad ang Sana Dalawa Ang Puso, ang taas ng ratings, imagine 19% plus ang pilot ‘tapos pataas na, lalo na nu’ng lumabas na si Robin (Padilla). ‘Yung mga nag-oopisina sa iWantTV nanonood,” sabi ng source namin.
Aliw na aliw sa mga karakter nina Jodi Sta. Maria sa Mona at Lisa, Martin Richard Yap as Martin, at Robin as Leo ang mga manonood na naiiwan sa bahay at mainit na pinag-uusapan na kakaiba raw ang sayang hatid kapag pinapanood nila.
“Aliw si Mona, in fairness kay Jodi, ang galing talaga niya, panalo ang tandem nila ni Kitkat na mukhang clown,” narinig naming reaksiyon ng masugid na nakasubaybay sa SDAP.
Heto pa, Bossing DMB, ang aming Lola Lilia Salonga na 88 years old na at nakatira sa Chicago, USA ay tatlong beses pinapanood sa isang araw ang Sana Dalawa Ang Puso.
“Grabe ang saya ni Mama, cuz, sa isang araw tatlong beses pinapanood,” kuwento ng pinsan naming si Rowena Salonga.
Paano? Hindi ba’t isang beses lang ipinalalabas sa TFC?
“May IPTV at Jeepney TV kami,” sagot sa amin.
Aliw na aliw din daw ang lola namin kay Robin na bagay kay Jodi, pero siyempre loyalist siya sa tambalang Richard at Jodi na nagsimula noong Ser Chief at Maya pa sila sa Be Careful With My Heart.
So siyempre, lagi rin kaming nakatutok sa bagong morning serye. Tumanggi na si Lisa na magpakasal kay Martin dahil nga inakala nitong kinuha ang USB na naglalaman ng confidential files ng kumpanya ng una kaya nakapaglabas na ang huli ng teaser sa social media ng bago nilang produkto.
Tiyak na matindi ang magiging away nina Lisa at Martin.
Sa kabila naman ng pagliligtas ni Leo kay Lisa sa mga gustong kumidnap, hindi pa rin humuhupa ang galit nito sa hinalang inutusan siya ni Martin para kunin ng USB nang maglinis sila sa opisina nito.
Ending, sina Lisa at Leo ang magkakaroon ng gulo.
Kinikilig naman si Mona nang makita si Martin sa cover ng isang magazine na inakala niyang sabungero kasi nga nakita niya ito noon sa sabungan.
Ipinakita sa isang teaser na aksidenteng nagkita sina Lisa at Mona nang dumikit ang mukha ng huli sa kotse ng una na ikinagulat nito.
Kambal nga kaya sina Mona at Lisa na nagkahiwalay lang?