Ni Bert de Guzman
TALAGANG matapang at determinado si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na makipaglaban kapag sa palagay niya ay nasa katwiran. Mabibilang sa daliri ang tulad niya sa hanay at sirkulo ng mga opisyal ng bansa na palaban kapag ang isyu ay tungkol sa katumpakan ng batas at ang pagtalima rito. Handa siyang makipaglaban maging sa pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa.
Naninindigan siya sa independence o kalayaan ng Hudikatura kapag ito ay pinakikialaman ng Ehekutibo. Siya ang babaeng may “balls” ‘ika nga, hindi katulad ng mga lalaking pinuno ng bansa na may “yagbols” nga ay urong naman at yuko sa bagsik ng Ehekutibo.
Iniutos ng Malacañang ang suspensiyon ni Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang dahil umano sa paghahayag niya sa bank accounts ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ginawang basehan ni Sen. Antonio Trillanes IV upang akusahan si Mano Digong ng pagkakaroon ng bilyun-bilyong pisong deposito sa bangko. Mahigpit itong itinanggi ng Pangulo.
Hindi ipatutupad ni Carpio-Morales ang suspensiyon ng Palasyo sapagkat may desisyon na ang Supreme Court noong panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino hinggil sa kaso o isyung ito noong 2014. Ayon sa SC, walang kapangyarihan ang Pangulo na suspendihin ang Deputy Ombudsman.
Iniutos noon ni PNoy na suspendihin si ex-Deputy Ombudsman for the military and other law enforcement agencies (MOLEA) Emilio Gonzales III. Sabi ng SC walang kapangyarihan si PNoy sa utos na suspensiyon. Sa kaso ni Gonzales, tinanggal ng SC ang disciplinary power ng Pangulo sa deputy ombudsman post.
Sa botohang 8-7, ipinasiya ng SC na unconstitutional ang administrative authority ng Office of the President sa posisyon ng deputy ombudsman. Partikular na pinawalang-bisa ang Section 8 (2) ng Ombudsman Act of 1989, na nagkakaloob ng kapangyarihan sa Pangulo na alisin ang deputy ombudsman sa puwesto. Ang gayong probisyon ay nagpapahina sa awtoridad at independence ng Office of the Ombudsman.
Abangan natin kung sino ang kukurap sa banggaang ito ng Ehekutibo at ng Hudikatura, dalawang magkahiwalay na sangay ng gobyerno na magkapantay naman. Ang dalawa--sina PRRD at Carpio-Morales ay magbalae--ang anak ni Mano Digong na si Mayor Sara ay ginang naman ng pamangking-buo ni Carpio-Moralas na si Atty. Mans Carpio.