BINANGGIT ni Pangulong Duterte ang tungkol sa “hybrid” na sistema ng gobyerno, na gaya ng ugnayan ng China sa Hong Kong, sa kanyang talumpati sa Davao City nitong Huwebes ng gabi. Ito ang naging reaksiyon niya sa maraming tumututol sa panukala niyang federal na sistema ng pamahalaan para sa bansa, upang bigyan ang mamamayang Moro ng higit na kapangyarihan sa pambansang gobyerno.
Ipinaiiral ngayon ng China ang espesyal na ugnayan sa mga siyudad nitong Macau at Hong Kong. Dumating ang mga negosyanteng Portuguese at pinangasiwaan ang Macau noong 1535; inilipat ang soberanya sa China noong 1999, subalit pinananatili ng Macau ang mataas na antas ng awtonomiya at sistemang legal nito. Sa panig ng Hong Kong, inangkin ito ng United Kingdom bilang teritoryo sa bisa ng tatlong tratado noong 1842, 1860, at 1898; hanggang sa tuluyan itong magkaroon ng soberanya noong 1997.
Nananatili ang Hong Kong bilang sentro ng kapitalismo ng ekonomiya, at naging pinakamalayang ekonomiya sa mundo sa nakalipas na 24 na taon. Naghahalal ito ng sariling mga opisyal, na nangangasiwa sa mga gawain sa siyudad. Karaniwan nang nagsasagawa ng mga kilos-protesta ang mamamayan nito laban sa mga polisiya at programa ng pamahalaan. Subalit pinananatili ng Beijing ang soberanya nito sa lungsod, bagamat pinahihintulutan ang kalayaan ng Hong Kong, na hindi pinapayagan saan man sa mundo.
Maaaring tinukoy ni Pangulong Duterte ang ilang pagkakatulad sa ugnayang ito ng China at Hong Kong sa ugnayan ng Metro Manila sa mamamayang Moro. Hindi kailanman lubos na nasakop ng pamahalaang kolonyal ng Espanya, at ng kalaunan ay gobyernong militar ng Amerika, ang mga Moro sa Mindanao. Nabatid na mga Amerikano ang nag-imbento ng Colt 45, o mas malalaki ang bala ng .45 caliber sa kampanyang inilunsad nito sa Mindanao, dahil hindi magawang pigilan ng karaniwang bala ng .38 caliber ang pag-atake ng mga mandirigmang Moro.
Sa tuwina ay naglulunsad ng mga pagkilos ang mga armadong grupo ng Moro sa isang bahagi ng Mindanao. Pangunahing naglunsad nito ang Moro National Liberation Front (MNLF) sa loob ng maraming taon, hanggang sa mamayagpag ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong panahon ng administrasyong Aquino. Binuo ang Bangsamoro Basic Law, subalit tuluyang nagtapos ang administrasyong Aquino nang hindi nakumpleto ng Kongreso ang proseso ng pagpapatibay dito.
Matagal nang nananawagan si Pangulong Duterte, ang kauna-unahang presidente ng bansa mula sa Mindanao, para sa isang federal na uri ng gobyerno, kung saan higit ang kapangyarihan ng bubuuing Moro Autonomous Region kaysa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Gayunman, mayroong mga tumututol sa federalism, sa pangambang magreresulta ito sa pagkakawatak-watak ng bansa. Mayroong iba pang mga dahilan, kabilang na ang gagastusin sa proseso, ang karagdagang bahagdan ng burukrasya, ang pagdami ng mga angkang pulitikal na kokontrol sa mga rehiyon, at maraming iba pa.
Sa kanyang mungkahi na pag-aralan din ng mga opisyal na aamyenda sa Saligang Batas ang sistema sa pagitan ng China at Hong Kong, pinatunayan ni Pangulong Duterte na hindi sarado ang kanyang pag-iisip sa usapin ng federalism. Kung sakaling matatamo ang hinahangad niyang higit na awtonomiya para sa mamamayang Moro sa pamamagitan ng sistemang “hybrid” na umiiral sa Hong Kong ay bukas, aniya, siya rito. Makatutulong ito upang mabigyang-daan ang mga pagbabagong pinag-aaralan ngayon para sa pamahalaan at sa Konstitusyon ng bansa.