Ni Clemen Bautista
SA dalawang pusong matapat na nagmamahalan, ang kasal o pagpapakasal ang katuparan ng pangarap ng babae at lalake upang tumibay ang buklod ng kanilang pagsasama. Simula ng kanilang pagiging mag-asawa na bubuo ng pamilya. Sa Simbahan man o sa huwes (civil marriage) sila ikinasal, magsasama na sila habang buhay. Sa hirap man o ginhawa, sa sakit at karamdaman, sa lungkot at ligaya, sa tagumpay at kabiguan. Anumang problema o pagsubok na dumating sa kanilang buhay ay magkatulong at magkatuwang sila sa paglutas ng nasabing problema at pagsubok sa buhay.
Ang pangaral ng Simbahan sa mga ikinasal, ang pinagsama ng Diyos ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao. Nasusunod ang nasabing pangaral kung kapwa matapat ang mag-asawa. Maayos na naghahanap-buhay at magdala ng pamilya ang lalake. Ang babae ang naiiwan sa bahay at nag-aalaga sa mga anak. Pinalalaking may loob at pag-ibig sa Diyos, magalang.
Masunurin. Iminumulat sa moral values. Pinag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang ibang mag-asawa’y nangingibang-bansa at doon nagtatrabaho. Kapwa nagsasakripisyo alang-alang sa mga anak. Sa kanilang mga magulang (lola at lolo) iniiwan ang mga anak at ipinagkakatiwala ang pag-aalaga at pagsubaybay sa pag-aaral.
Ang nabanggit ay larawan ng mag-asawang maayos ang pamilya. Sinusunod ang mga pangaral nang sila’y ikasal. Matapat at maayos na tinutupad ang tungkulin bilang ama at ina ng pamilya. Ngunit hindi lahat ng pag-aasawa’y nagtatagumpay. Ang matamis na pag-ibig ay nagiging mapait. Hindi na nagkakasundo. Humahantong sa paghihiwalay ng mag-asawa sapagkat hindi na sila compatible. Maaaring ang asawang lalake ang dahilan. Nagloko. Nilabag ang ika-6 utos ng Diyos.
Nagkaroon ng bisyo at hindi na naging maayos ang pagdadala ng pamilya. Naging lasenggo. Nagdroga at nambugbog na ng asawa. Kung minsan, ang asawang babae rin ang dahilan ng paghihiwalay. Bulagsak at naglandi sa ibang lalake.
Masasabing marami pang ibang dahilan ng paghihiwlay ng mag-asawa. Kung hindi na talaga magkakasundo, ang alternatibo nila’y ang annulment o pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal sapagkat walang diborsiyo dito sa ating bansa. Bukod sa magastos ay matagal bago mapagtibay ng korte ang annulment o ang papapawalang bisa sa kasal.
Sa Kongreso, may isang panukalang batas ang pinagtibay na sa pangatlo at huling pagbasa(final reading) ng House of Representatives o Kamara na mag-aalis ng mahaba at magastos na judicial process ng marriage annulment o magpapawalang bisa sa kasal. Ang panukalang batas ay ang House Bill No.6779 na ang mga awtor ay sina Deputy Speaker Gwendolyn Garcia at Leyte First District Rep.Yedda Marie Kitilstvedt-Romualdez. Ang panukalang batas ay nakapasa sa pamamagitan ng may 203 boto ng mga Kongresista.
Batay sa nilalaman ng panukalang batas, ito ay maaaring magpabilis sa pagpawalang bisa ng kasal sa Simbahan tulad ng civil marriage pati na sa mga utos ng hukuman. Isinasaad din sa panukalang batas ang pangangalaga at suporta sa mga anak, paghahati at distribusyon ng mga ari-arian ng mag-asawa. Ibabatay sa mapagkakasunduan ng mag-asawa. Ang kasunduan ay mapapaloob at magiging isang dokumentong pampubliko.
Nilalaman din ng House Bill No. 6779 na ang mga dating mag-asawang naghiwalay ay papayagang mag-asawa matapos ang maitala ang mga hinihinging requirement o kailanganin, gayundin ang mga requirement sa Family Code ng Pilipinas.
May nagsasabing kung mapagtitibay ang panukalang batas, may matutuwa at malulungkot. Ang mga matutuwa’y ang mga misis sapagkat matatapos na rin ang matagal na kalbaryong dinaranas nila sa kanilang asawa.