Nagtataka si Senator Nancy Binay sa biglaang pagkawala sa merkado ng bigas ng National Food Authority (NFA) kaya napipilitan ang publiko na bumili ng mas mahal na bigas.
Aniya, ‘tila walang ginagawa ang inter-agency na National Food Authority Council (NFAC) sa biglaang paglalaho ng supply ng NFA rice sa merkado.
“Totoong may supply ng bigas sa mga palengke, pero nagkakaubusan na po ang itinitindang NFA rice. Dahil sa kakulangan ng itinitindang NFA rice sa merkado, napupuwersa ang ating mga kababayan na bumili ng mahal na bigas,” ani Binay.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng P1-P3 ang bawat kilo ng bigas sa anim na regional center ng NFA, kabilang na sa Kidapawan City, Naga City, at Metro Manila.
Aniya, kasama sa trabaho ng NFA ang siguruhin na mayroong sapat at murang bigas para sa lahat, lalo na ngayong damang-dama ng publiko ang kakulangan sa NFA rice.
Sa kasalukuyan, mabibili ang NFA rice ng P27-P32 kada kilo, habang ang commercial rice naman, na halos walang kaibahan sa NFA rice, ay nasa P36-P41 kada kilo.
Sinabi pa ng senadora na kaduda-duda rin ang pagpapaliban ng importasyon ng 250,000 metric tons (MT) ng bigas sa kabila ng pag-amin ng NFA na hanggang tatlong araw na lang ang rice buffer stock ng ahensiya. - Leonel M. Abasola