NAGPADALA nitong Miyerkules ang Philippine Navy ng bagong Beechcraft King C90 aircraft sa Maritime Air Patrol surveillance flight sa ibabaw ng Panatag Island sa South China Sea sa kanluran ng Zambales. Lumipad ito may 800 talampakan above sea level at namataan ang apat na bangkang pangisdang Pinoy at siyam na barkong Chinese sa paligid ng isla.
Iniulat ng mga pilotong Pinoy na wala silang narinig na anumang pagtataboy mula sa Chinese Coast Guard. Ang mga nakalipas na eroplano at barko ng Amerika na dumaan sa ilang isla ng South China Sea ay napaulat na itinaboy ng China, na umaangkin sa halos kabuuan ng karagatan. Kabilang dito ang Panatag, bagamat nasa 230 kilometro ito sa kanluran ng Zambales, kaya malinaw na saklaw ng 370-kilometrong Exclusive Economic Zone, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Ang kawalan ng pagtutol sa surveillance flight ng Philippine Navy ay isang magandang senyales para sa atin, kung ikokonsidera ang tuluy-tuloy na pagtataboy ng China sa mga barko at eroplano ng Amerika na dumaraan sa lugar, kabilang na ang USS Hopper na naglayag may 22 kilometro sa Panatag nito lamang nakalipas na linggo. Subalit iniulat din ng mga pilotong Pinoy na namataan nito ang siyam na barkong Chinese sa paligid ng Panatag — apat ang sa Chinese Coast Guard, isa ang barkong pangisda, at apat sa mga barko ang hindi batid kung para saan.
Nagpasya noong 2016 ang Arbitral Court sa Hague laban sa pag-angkin ng China sa South China Sea, batay sa iginigiit nitong nine-dash line na nakapaikot sa katimugan ng Hainan Island ng China, hanggang sa Borneo, bago sinaklaw ang kanlurang bahagi ng karagatan ng Pilipinas. Pinili ni Pangulong Duterte na magpatupad ng polisiya ng pagkakaibigan at pagtutulungang pang-ekonomiya sa China, sa halip na kumprontahin ang makapangyarihang bansa.
Binigyang-diin ng Pangulo na bagamat ang Pilipinas ang kinatigan sa pasya ng Arbitral Court, hindi ito ang tamang panahon upang igiit natin ang pag-aangkin sa ating mga isla sa gitna ng panganib ng marahas na pagtugon ng China. Nakikinabang tayo ngayon sa polisiyang ito, subalit umaasa tayong hindi ito mauuwi sa paglalaho ng alinman sa mga islang inaangkin natin sa South China Sea.
Ang isla ng Panatag ang nasa sentro ng agawang ito ng teritoryo. Isang mapa ng Pilipinas, noong panahong nasa ilalim pa tayo ng pananakop ng Espanya, ang inilathala sa Maynila ng paring Heswita na si Pedro Murillo Velarde noong 1734. Makikita sa lumang mapa ang isang isla sa kanluran ng Zambales na tinawag na Panacot, na ngayon ay kilala bilang Panatag o Bajo de Masinloc, o Scarborough Shoal. Subalit Huangyan ang tawag dito ng China, at matatagpuan sa pinakadulong bahagi ng silangang hangganan na inaangkin ng China, alinsunod sa iginigiit nitong nine-dash line.
Ang apat na barko ng Chinese Coast Guard na namataan ng eroplano ng Philippine Navy ay posibleng nagbabantay sa barkong pangisda habang pinaninindigan ang pag-angkin ng China sa Panatag. Tungkol naman sa apat na “unknown vessels”, maaaring naghahanap ang mga ito ng posibleng minerals. O maaaring may sakay na mga turista. O posibleng nagbitbit ng mga materyales para sa pagtatayo ng mga rampa at iba pang instalasyon sa iba pang bahura sa South China Sea. Umasa tayong pinakamainam ang polisiya ni Pangulong Duterte sa maayos na pakikisama sa mga karatig-bansa, na ang pinaplanong Code of Conduct para sa South China Sea ang magbibigay ng solusyon sa lahat ng problema, at ang Panatag ay mananatiling bukas para sa ating mga mangingisda at mananatili rin sa mapa ng mga isla ng Pilipinas.