Miss Caloocan candidates  at  Mayor Oca Malapitan
Miss Caloocan candidates at Mayor Oca Malapitan

NANG mag-imbita si Katotong Jobert Sucaldito para sa Miss Caloocan 2018 nitong Biyernes na ginanap sa mismong City Hall ng Caloocan ay iisa ang nasabi ng mga imbitadong reporters, “Mag-Grab o Uber tayo kasi mahirap puntahan ‘yung lugar. Sa dulo kasi ‘yun.”

Ang huling punta kasi namin sa munisipyo ng Caloocan, na katabi ng Jollibee na ang sitsit ay pag-aari raw ni Mayor Rey Malonzo, ang dating aktor pa ang alkalde noon. Medyo nahirapan kaming puntahan dahil trapik bukod pa sa makitid ang daan at magulo pero pagpasok naman mismo sa compound ng munispyo ay maluwag na.

Kaya nagulat kami nang makarating kami sa bagong Caloocan City Hall na ang ganda-ganda at ang lamig ng aircon kahit napakaramig tao at may mga nakita pa kaming water dispenser sa lobby para sa lahat, empleyado man o bisita.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Bukod dito ay marami ang iba’t ibang fastfood restaurant sa tapat, mula sa maliit hanggang sa pinakasosyal. Sabi nga ng mga negosyante, kapag ang isang lugar ay inabot na ng kilalang coffee shop ay maunlad na ang lugar. Walang pasubali na asensado nang talaga ang Caloocan ngayon.

Ang lahat daw ng pagbabagong ito sa siyudad ay bunga ng maayos na pamumuno ni Mayor Oscar Malapitan sa loob ng limang taon.

Naikuwento ng staff ni Mayor Malapitan na ang ama ng siyudad mismo ang lumalabas sa kalye anumang oras para i-check kung may problema. Kaya halos lahat ng sulok ay may mga ilaw na at hindi na raw nakakatakot maglakad sa kalye anumang oras.

At ito pala ang dahilan kung bakit sa unang pagkakataon ay going national na ang taunang search for Miss Caloocan, para malaman din ng lahat ang malaking pagbabago sa siyudad sa panahon ni Mayor Oca Malapitan na malalapitan daw anumang oras.

Ipinagmamalaki nilang produkto ng Miss Caloocan ang sikat nang aktres ngayon na si Angel Locsin gayundin sina Aubrey Miles at dating Congresswoman Mitch Cajayon.

Ngayong taon ang 67th annual search para sa Miss Caloocan at limang taon nang pinamumunuan ni Mayor Malapitan sa ilalim ng kanilang Cultural Affairs Tourism Office (CATO) sa pakikipagtulungan ng Caloocan Cultural and Tourism Foundation (CCTF).

Ang mananalo bilang Miss Caloocan Beauty Pageant 2018 ay magiging kinatawan ng lungsod sa iba’t ibang event at cause oriented activities. Kabilang sa responsibilidad ng Miss Caloocan ang pagsisilbi sa kapwa at pakikiisa sa kawanggawa.

Gaganapin ngayong unang linggo ng Pebrero ang iba’t ibang activities tulad ng motorcade sa North at South Caloocan bilang simula rin ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Caloocan cityhood, feeding program, at medical at dental missions sa mga charitable institutions tulad ng Tahanang Mapagpala. 

Kasama rin sa itenerary ng Miss Caloocan candidates ang pagdalaw sa mga major infrastructure ng local government gayundin sa mga malalaki at world class na mga planta sa lungsod. 

Ka-join din sila sa isinasagawang Chinese New Year Countdown taun-taon sa Monumento sa Pebrero 15 at ang mananalong Outstanding Citizens of Caloocan Awards ay ibibigay naman sa Pebrero 16 bilang culminating event ng patimpalak.

Ang 26 na kandidata ngayong taon ay sina; Zoraya V. Polon, Nicole Ann Maliglig, Venus Balito, Daniela Cayanan, Julia Mae Mendoza, Jhustyn Chloe Castro, Patricia Agapito, Hyacit Zoleta, Camille Joy Dequina, Ylla Mae Sto. Tomas, Pamela Bianca Villacorte, Andrea Abcede, Jeanne Antonio, Jane Nicole Minano, Khryss Tricy Rizza del Prado, Mae Kimberly de Luna, Patricia Maala, Carrie Mikaela Serrano, Stephanie Monce, Camille Bernadeth Roa, Julia Torres, Chrystel Shane Lubrico, Khate Anne Buscaino, Erica Jane Medina, Mary Jane Toribo at Maria Veronica Peregrino.

Ang grand coronation night para sa Miss Caloocan 2018 ay gaganapin sa City Sports Complex sa Pebrero 24 at mapapanood live sa TV5.