Posibleng bumalik sa mga evacuation area ang mga residente sa palibot ng Bulkang Mayon sa Albay kapag lumalang muli ang patuloy na pag-aalburoto ng bulkan.

Ito ang inihayag ni Office of Civil Defense (OCD)-Region 5 Director Claudio Yucot.

Aniya, aabot na lamang sa 20,204 na pamilyang bakwit ang naiwan sa mga evacuation center, o katumbas ng 77,789 na residente.

Ipinaliwanag pa ni Yucot na kapag tumaas muli ang antas ng pag-aalburoto ng bulkan ay muling isasagawa ang paglilikas, at inaaasahang mas dadami pa ang evacuees.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una nang pinauwi ang mga residenteng nasa labas ng eight-kilometer danger zone, batay na rin sa rekomendasyon ng mga kinauukulan dahil na rin sa bahagyang pagkalma ng bulkan sa nakalipas na mga araw.

Kaugnay nito, aabot sa 55 na pagyanig ang naitala sa paligid ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nananatili pa ring nasa level 4 ang alert status ng Mayon kahit pa bahagyang kumalma na ito.

Nakapagtala pa rin ang Phivolcs ng irregular at mahinang lava fountaining, lava flow, bukod pa sa pagbuga ng Mayon ng usok nitong Sabado at Linggo.

Inihayag ng ahensiya na tumagal lamang ng pitong segundo ang mababa at mahinang lava fountain.

Nilinaw din ng Phivolcs na sa nakalipas na magdamag nitong Sabado ay nagpakawala ng lava ang bulkan, na rumagasa sa Miisi at Bonga-Buyuan Channels.

Ayon sa Phivolcs, aabot lamang sa 3.2 kilometro mula sa bunganga ng bulkan ang naapektuhan ng lava flow habang sa umabot na sa 4.3 kilometro ang pagragasa ng lava sa Bonga-Buyuan channels.

Sa nakalipas na 24 oras, bukod sa nasabing mga pagyanig, nakapagtala rin ang Phivolcs ng siyam na rockfall events.

Gayunman, bumaba sa 1,583 na tonelada ang sulfur dioxide emission ng bulkan simula nitong Biyernes.

Binalaan din ng ahensya ang publiko na huwag nang magpumilit na pumasok sa 8-km. radius danger zone.

Idineklara rin ang “no-fly zone” sa bisinidad ng bulkan dahil sa panganib na idudulot ng biglaang pagbuga nito ng abo. - Fer Taboy at Ellalyn De Vera-Ruiz