ni Ric Valmonte
SA National Day of Walkout Against Tyranny and Protest nitong nakaraang Huwebes, lumabas ang mga mag-aaral ng University of the Philippines, Diliman, Quezon City upang sumama sa protesta.
Dahil dito, nagbanta si Pangulong Duterte na ibibigay niya ang scholarship slots ng mga nagpoprotesta sa mga kabataang lumad. “Kung mayroong dapat bitiwan ang kanyang slot, walang iba kundi si Pangulong Rodrigo Duterte mismo,” pahayag ng militanteng grupo ng mga estudyanteng Stand-Up. Ang acronym Stand-Up ay nangangahulugang Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP. Binatikos nito ang pabago-bagong posisyon ng Pangulo sa lumad na pinagbantaan niyang bobombahin noong nakaraang taon. “Nakikiisa kami sa mga nagpoprotestang estudyante ng UP,” sabi ni Save Our Schools’ Network Mindanao, “dahil nang magbanta ang Pangulo na iuutos niyang bobombahin ang aming eskuwelahan, nakiisa sila sa amin at binigyan kami ng santwaryo.” “Asahan pa ng administrasyong ito ang paglabas ng mas marami pang estudyante upang labanan ang diktadurang Duterte at ang pag-atake nito sa mga kabataan at taumbayan,” ayon naman sa Kabataan party-list group.
“Samantalang ang Iskolar ng Bayan ay nakatakda namang maglunsad ng mas malaking kilos-protesta dahil ang mga polisiya nito, tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, ay atake sa mga demokratikong karapatan ng mga Pilipino,” sabi naman ni Sari Oliquino, na siyang kumakatawan sa mga mag-aaral ng UP sa board of regents, na siyang pinakamataas na policy-making body sa unibersidad.
Anupa’t ang kilos-protesta ng mga taga-UP ay dala ang mga isyung pambayan. Hindi lang isyu para sa partikular na interes, gaya ng tigil pasada ng mga tsuper dahil sa “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” na pinairal ng pamahalaan. Hindi rin gaya ng protesta ng mga guro na humihingi ng karagdagang umento sa sahod.
Hindi maglalaon ay matinding protesta na naman ang magaganap laban sa bagong uri ng Tokhang dahil nag-uumpisa na namang makapatay ang mga pulis ng mga umano ay sangkot sa droga. Bagamat ang agresibong protesta ng mga kabataan at mag-aaral ay nagaganap sa limitadong campus ng UP, dapat na ring pakinggan ng Pangulo ang hamon ni Journalism professor Danilo Arao ng UP College of Mass Communication. Aniya, umaasa siyang pakikinggan ni Duterte itong babala: Huwag mong tangkaing labanan ang militanteng kabataan: Hindi ka mananalo. Talagang mahirap kalaban ang mga estudyante. Napatunayan na ito sa atin at sa ibang mga bansa. Kasi, ang kanilang pagkilos ay suportado ng kaalaman nila sa nagaganap sa kanilang bansa at kung paano sila naaapektuhan. Nauunawan nila ang pagkakaiba ng tunay na balita at fake news, o hyperbole. Wala silang interes na pinoprotektahan, maliban sa kanilang kinabukasan.
Kaya, kahit sa limitadong lugar nagsasagawa ng pagkilos ang mga mag-aaral, pinaghuhugutan naman ito ng lakas ng loob ng mga taong ang kanilang kapakanan ay kasamang ipinaglalaban. Hindi magtatagal, parang apoy itong kakalat. Ang mga protestang may partikular na interes na itinataguyod, hindi maglalaon ay magsasanib at ito ay magiging isang pwersa na mahirap nang salungatin. Kasaysayan ito na dapat pagkunan ng aral ng mga nais na tularan si dating Pangulong Ferdinand Marcos.