NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang World Health Organization (WHO) sa mataas na antas ng antibiotic resistance sa ilang seryosong bacterial infection na natukoy sa mauunlad at mahihirap na bansa.
Sa isang pahayag, isiniwalat ni Dr. Marc Sprenger, director ng Antimicrobial Resistance (AMR) Secretariat ng WHO, na natukoy ng bago nitong Global Antimicrobial Surveillance System (GLASS) ang malawakang pag-usbong ng antibiotic resistance sa 500,000 katao, na pinaghihinalaang may bacterial infection, sa 22 bansa.
“The report confirms the serious situation of antibiotic resistance worldwide,” saad ni Sprenger, at sinabing ang Escherichia coli, Klebsiella pneumoniae, Staphylococcus aureus, at Streptococcus pneumonia ang pinakakaraniwang naiuulat na resistant bacteria.
“Some of the world’s most common – and potentially most dangerous – infections are proving drug-resistant. And most worrying of all, pathogens don’t respect national borders. That’s why WHO is encouraging all countries to set up good surveillance systems for detecting drug resistance that can provide data to this global system,” dagdag pa niya.
Ang hindi pagtalab ng penicillin, ang gamot na ilang dekada nang kinokonsumo sa mundo laban sa pneumonia, ay natukoy mula zero hanggang 51 porsiyento sa mga bansa.
Sinabi rin ng WHO na ang walong porsiyento hanggang 65 porsyento ng E. coli na iniuugnay ng urinary tract infections ay nagpakita ng resistance sa ciprofloxacin, isang antibiotic na karaniwang lunas sa nasabing sakit.
May kabuuang 52 bansa (25 ang high-income, 20 middle-income, at pito ang low-income bansa) ang naka-enroll sa Global Antimicrobial Surveillance System ng WHO. Para sa unang report, 40 bansa ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa kanilang national surveillance systems at 22 bansa ang nagbigay ng datos hinggil sa antas ng antibiotic resistance.
“The report is a vital first step towards improving our understanding of the extent of antimicrobial resistance. Surveillance is in its infancy, but it is vital to develop it if we are to anticipate and tackle one of the biggest threats to global public health,” sabi ni Dr. Carmem Pessoa-Silva, ang nangangasiwa sa bagong surveillance system ng WHO. - PNA